Proteksiyon Para sa Kababaihan—Ang Sinasabi ng Bibliya
Sa buong mundo, napakaraming babae at batang babae ang nakaranas ng pang-aabuso. Isa ka ba sa kanila? Alamin kung bakit mahalaga sa Diyos na maprotektahan ka at kung ano ang gagawin niya sa pang-aabuso sa kababaihan.
“Noong bata pa ’ko, araw-araw akong sinasaktan at pinagsasalitaan ng di-magaganda ng kuya ko. Noong may asawa na ’ko, gano’n din ang ginagawa ng biyenan kong babae. Ginawa nila akong alila ng biyenan kong lalaki. Naiisip ko nga noon na magpakamatay na lang.”—Madhu, a India.
“Sa buong daigdig, laganap ang karahasan sa kababaihan,” ang sabi ng World Health Organization. Sinasabi na halos isa sa tatlong babae ang minsan nang nakaranas ng pisikal o seksuwal na pang-aabuso.
Kung nangyari na iyan sa iyo, baka lagi ka nang natatakot na kahit saan ka pumunta, puwede ka ulit mabiktima. Baka dahil sa karahasan at pang-aabuso sa kababaihan, maramdaman mong para sa marami, ‘Walang halaga ang mga babae.’ Pero para sa Diyos ba, mahalaga kaya ang mga babae?
Ano ang tingin ng Diyos sa mga babae?
Teksto: ‘Nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’—Genesis 1:27.
Ibig sabihin: Parehong nilalang ng Diyos ang lalaki at babae. Para sa kaniya, pareho silang dapat igalang. Isa pa, inaasahan Niyang ‘mamahalin ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya,’ at hindi niya tatangkaing kontrolin ito gamit ang masasakit na salita o pisikal na pananakit. (Efeso 5:33; Colosas 3:19) Kitang-kita na mahalaga sa Diyos na maprotektahan ang mga babae.
“Minolestiya ako ng mga kamag-anak namin no’ng bata pa ’ko. Noong 17 naman ako, tinakot ako ng amo ko na tatanggalin niya ako sa trabaho kung hindi ako makikipag-sex sa kaniya. At no’ng adulto na ’ko, naranasan kong laitin at insultuhin ng mister ko, ng mga magulang ko, at ng mga kapitbahay namin. Pero nakilala ko si Jehova, b ang Maylalang. Hindi niya binabale-wala ang mga babae. Dahil dito, naging sigurado ako na mahal niya ako at na mahalaga ako sa kaniya.”—Maria, Argentina.
Ano ang makakatulong sa iyo na unti-unting maka-recover?
Teksto: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—Kawikaan 18:24.
Ibig sabihin: Dadamayan ka ng isang tunay na kaibigan. Kung sa tingin mo makakatulong sa iyo, sabihin sa isang pinagkakatiwalaan mo ang mga nararamdaman mo.
“Sa loob ng 20 taon, hindi ko sinabi kahit kanino na minolestiya ako noon. Kaya lumaki akong malungkot, laging nag-aalala, at depressed. Pero nang maikuwento ko na ’yon sa isang tao na handang makinig, sobrang gumaan ang pakiramdam ko.”—Elif, Türkiye.
Teksto: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.’—1 Pedro 5:7.
Ibig sabihin: Kapag nananalangin ka, nakikinig ang Diyos. (Awit 55:22; 65:2) Dahil nagmamalasakit siya sa iyo, tutulungan ka niyang makita na talagang mahalaga ka.
“Nang makilala ko si Jehova, unti-unti akong naka-recover sa mga pinagdaanan ko. Ngayon, nasasabi ko na sa kaniya sa panalangin ang lahat ng nararamdaman ko. Para siyang kaibigan na talagang nakakaintindi sa ’kin.”—Ana, Belize.
Aalisin ba ng Diyos ang pang-aabuso sa kababaihan?
Teksto: “Bibigyan [ni Jehova] ng katarungan ang mga walang ama at ang mga inaapi, para hindi na sila takutin pa ng mga hamak na tao sa lupa.”—Awit 10:18.
Ibig sabihin: Di-magtatagal, aalisin na ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan, pati na ang kalupitan at pang-aabuso sa kababaihan.
“Ang sarap sa pakiramdam na malaman na malapit nang alisin ni Jehova ang pang-aabuso sa kababaihan at sa mga batang babae. Talagang napanatag ako.”—Roberta, Mexico.
Para malaman pa kung paano nagbibigay ng pag-asa ang Bibliya, kung bakit ka makakapagtiwala sa mga pangako nito, at kung paano tumutulong ang mga Saksi ni Jehova gamit ang Bibliya, mag-request ng libreng pagdalaw.
a Binago ang mga pangalan.
b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”