Ano ang Puwede Mong Gawin Kapag Bigla Kang Nagkasakit?
Bigla ka bang nagkasakit? Kung oo, alam mo kung gaano katinding stress ang idinudulot nito sa isip at emosyon, bukod pa sa malaking gastos ng pagpapagamot. Ano ang puwede mong gawin? Paano ka makakatulong kapag nagkasakit ang isang kapamilya o kaibigan? Ang Bibliya ay hindi isang aklat sa medisina, pero may mga praktikal na payo ito na makakatulong sa iyo para maharap ang ganitong mahirap na sitwasyon.
Mga payo na tutulong sa iyo kapag nagkasakit ka
Magpatingin sa doktor
Ang sabi ng Bibliya: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.”—Mateo 9:12.
Kung paano ito susundin: Kung kinakailangan, kumonsulta sa mga doktor.
Subukan ito: Piliin ang pinakamabuting paraan ng paggamot na makakatulong sa iyo. Kung minsan, baka mas magandang humingi ng second opinion. (Kawikaan 14:15) Kausaping mabuti ang mga doktor. Tiyaking naiintindihan mo ang sinasabi nila at na malinaw din sa kanila kung ano ang mga nararamdaman mo. (Kawikaan 15:22) Mag-research tungkol sa sakit mo, pati na sa mga paraan ng paggamot na puwede mong gawin. Kapag alam mo ang mga posibleng mangyari, mas matatanggap mo ang sitwasyon mo at makakapagdesisyon ka nang tama kung anong paraan ng paggamot ang pipiliin mo.
Magkaroon ng healthy lifestyle
Ang sabi ng Bibliya: “Ang ehersisyo ay mabuti sa iyong katawan.”—1 Timoteo 4:8, Contemporary English Version.
Kung paano ito susundin: Makakatulong sa iyo kung may healthy lifestyle ka, gaya ng regular na pag-eehersisyo.
Subukan ito: Regular na mag-ehersisyo, kumain ng masusustansiyang pagkain, at matulog nang sapat. Baka naninibago ka pa sa sitwasyon mo ngayon, pero naniniwala ang mga eksperto na sulit ang panahon at lakas na ilalaan mo para dito. Pero kung gagawin mo iyan, tiyakin na hindi ito makakasamâ sa kondisyon mo ngayon at sa paggagamot na ginagawa mo.
Humingi ng tulong sa iba
Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.
Kung paano ito susundin: Kung hihingi ka ng tulong sa mga kaibigan mo, makakayanan mo ang pinagdaraanan mo.
Subukan ito: Makipag-usap sa isang kaibigan na puwede mong sabihan ng mga nararamdaman mo. Makakabawas iyan ng stress mo at makakagaan pa ng loob mo. Malamang na gusto kang tulungan ng mga kaibigan at kapamilya mo, pero baka hindi nila alam ang gagawin. Kaya sabihin sa kanila kung ano talaga ang kailangan mong tulong. Maging makatuwiran sa inaasahan mo at laging magpasalamat sa anumang tulong na ibinibigay nila. Pero baka kailangan mo ring magtakda ng ilang limitasyon, gaya ng dalas at tagal ng pagdalaw nila, para hindi ka naman masyadong mapagod.
Laging maging positibo
Ang sabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay mabisang gamot, pero ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”—Kawikaan 17:22.
Kung paano ito susundin: Kung positibo ka, makakatulong ito sa iyo para manatiling kalmado kahit nakaka-stress magkasakit.
Subukan ito: Habang nag-a-adjust ka sa kalagayan mo ngayon, magpokus sa magagawa mo, hindi sa mga bagay na hindi mo naman kontrolado. Huwag ikumpara ang sarili mo sa iba o sa kalagayan mo bago ka nagkasakit. (Galacia 6:4) Magtakda ng mga tunguhin na makatuwiran at kaya mong abutin. Makakatulong iyan sa iyo para manatili kang positibo. (Kawikaan 24:10) Tumulong sa iba kung posible sa kalagayan mo. Masaya ang nagbibigay, kaya tutulong iyan sa iyo para huwag magpokus sa mga problema mo.—Gawa 20:35.
Matutulungan ka ba ng Diyos kapag nagkasakit ka?
Sinasabi ng Bibliya na matutulungan ng Diyos na Jehova a ang isang taong nagkasakit. Siyempre, hindi naman tayo basta na lang gagaling sa sakit natin, pero ang mga sumasamba sa Diyos ay matutulungan niya sa sumusunod na paraan:
Kapayapaan. Ibibigay ni Jehova “ang kapayapaan . . . na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Dahil sa kapayapaang ito, o pagkadama ng kapanatagan, maiiwasan ng isa ang sobrang pag-aalala. Ibinibigay ng Diyos ang kapayapaang ito sa mga nananalangin sa kaniya para sabihin ang kanilang mga álalahanín.—1 Pedro 5:7.
Karunungan. Kayang magbigay ni Jehova ng karunungan para makagawa ka ng tamang desisyon. (Santiago 1:5) Magkakaroon ng ganitong karunungan ang isang tao kung pag-aaralan niya at susundin ang mga prinsipyo sa Bibliya.
Magandang pag-asa sa hinaharap. Nangangako si Jehova na sa hinaharap, “walang . . . magsasabi: ‘May sakit ako.’” (Isaias 33:24) Dahil sa pangakong iyan, marami ang nanatiling positibo kahit may malala silang sakit.—Jeremias 29:11, 12.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.