Kung Paano Mababawasan ang Pag-aalala
Nakakasamâ sa kalusugan at emosyon mo ang sobrang pag-aalala. Puwede ka pa ngang magkaroon ng mas malalaking problema dahil dito.
Mga tip para mabawasan ang pag-aalala
Bawasan ang panonood, pagbabasa, o pakikinig ng masasamang balita. Hindi mo kailangang malaman ang lahat ng detalye tungkol sa isang masamang pangyayari. Kung magbababad ka sa masasamang balita, lalo ka lang matatakot at mag-aalala.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”—Kawikaan 17:22.
“Nakakaadik tumingin sa bago at nakakagulat na mga balita. Pero hindi magandang makasanayan iyan. Napansin ko na hindi na ako masyadong nag-aalala nang bawasan ko ang pagtingin sa mga balita.”—John.
Pag-isipan: Kailangan mo ba talagang laging maging updated sa mga balita?
Sundin ang iskedyul mo. Magtakda ng oras ng paggising, pagkain, paggawa ng gawaing-bahay, at pagtulog. Kapag may iskedyul ka, mararamdaman mong normal ang buhay mo at tutulong iyan para mabawasan ang pag-aalala mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.”—Kawikaan 21:5.
“Nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, napabayaan ko ang iskedyul ko at naubos ang panahon ko sa paglilibang. Gusto kong gamitin ang oras ko sa pinakamabuting paraan, kaya gumawa ako ng iskedyul ng mga dapat kong gawin sa bawat araw.”—Joseph.
Pag-isipan: May iskedyul ka ba para maramdaman mong may natatapos ka sa bawat araw?
Magpokus sa magagandang bagay. Kung ang laging laman ng isip mo ay mga maling desisyon na ginawa mo noon at mga bagay na ikinakatakot mong mangyari sa hinaharap, lalo ka lang mag-aalala. Mas mabuting mag-isip ng dalawa o tatlong bagay na puwede mong ipagpasalamat.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.”—Colosas 3:15.
“Kapag nagbabasa ako ng Bibliya, naiiwasan kong isipin ang masasamang balita at nakakapagpokus ako sa magagandang bagay. Baka lagi mo nang naririnig iyan, pero nakakatulong talaga!”—Lisa.
Pag-isipan: Madalas bang puro negatibong bagay ang naiisip mo at nakakalimutan mo nang isipin ang magagandang nangyayari sa buhay mo?
Isipin ang iba. Huwag ibukod ang sarili mo kapag nag-aalala ka, kahit iyan ang mas madaling gawin. Sa halip, mag-isip kung paano mo matutulungan ang iba.
Prinsipyo sa Bibliya: “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:4.
“Sumasaya ako kapag nakakatulong ako sa iba. Nagawan ko na ng mabuti ang iba, nabawasan pa ang pag-aalala ko. Ang totoo, wala na akong panahon para mag-alala.”—Maria.
Pag-isipan: Sino sa mga kakilala mo ang mas nangangailangan ng tulong, at paano mo sila matutulungan?
Ingatan ang kalusugan mo. Magkaroon ng sapat na ehersisyo at pahinga. Kumain ng masusustansiyang pagkain. Kung iingatan mo ang kalusugan mo, mas magiging maganda ang pananaw mo sa buhay at makakatulong ito sa iyo na huwag mag-alala.
Prinsipyo sa Bibliya: “May . . . pakinabang sa pag-eehersisyo.”—1 Timoteo 4:8, talababa.
“Hindi kami masyadong makalabas ng anak ko, kaya isinama namin sa iskedyul namin ang pag-e-exercise sa loob ng bahay. Dahil dito, gumaan ang pakiramdam namin at naging mas mabait at mapagpasensiya kami sa isa’t isa.”—Catherine.
Pag-isipan: May kailangan ka bang baguhin sa paraan ng pagkain mo at pag-eehersisyo para mas maging malusog ka?
Bukod sa mga tip na ito, nakatulong sa marami ang maaasahang mga pangako ng Bibliya tungkol sa isang magandang kinabukasan para mabawasan ang pag-aalala nila. Tingnan ang artikulong “Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos?”