Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

HÅKAN DAVIDSSON | KUWENTO NG BUHAY

Pagsuporta sa Pagpapalaganap ng Katotohanan

Pagsuporta sa Pagpapalaganap ng Katotohanan

 Ipinanganak ako at lumaki sa Sweden. Noong teenager ako, naimpluwensiyahan ako ng mga taong hindi naniniwala na may Diyos. Kaya nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang tatay ko, nanay, at nakababatang kapatid na babae, hindi ako interesado.

 Pero paulit-ulit akong niyayaya ng tatay ko na mag-Bible study, kaya sumama na rin ako. Nagulat ako kasi nang may binanggit tungkol sa science, tama talaga ang sinasabi ng Bibliya. Kaya di-nagtagal, nakumbinsi ako na Salita ng Diyos ang Bibliya. Nakita ko rin na tama ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova tungkol dito at talagang sinusunod nila ito. Sabay kaming nabautismuhan ng tatay ko noong 1970. Nabautismuhan naman ang nanay ko at dalawang kapatid na babae pagkalipas ng ilang taon.

 Marami sa mga kaedad ko noon, parang wala nang ginawa kundi mag-party. Palibhasa 17 pa lang ako noon, naiinggit ako kasi parang ang saya-saya nila. Pero nang makita ko kung gaano kasaya sa pagpapayunir ang mga kapatid na nag-Bible study sa akin, gusto ko silang gayahin. At iyon nga ang ginawa ko. Nagpayunir ako noong 21 ako.

Nabautismuhan ako kasabay ng tatay ko (nasa kaliwa ko)

 Sobrang saya palang magpayunir! Sayang hindi ako nagpayunir agad. Gustong-gusto ko kapag nangangaral kami sa port ng Göteborg, kasi iba’t iba ang wika doon ng mga taong nagtatrabaho sa mga barko.

 Nitong nakalipas na 50 taon, nagkaroon ako ng espesyal na pribilehiyong makatulong para maging available sa iba’t ibang wika ang mabuting balita. Ikukuwento ko sa inyo kung paano iyon nangyari.

Pagtulong sa Pag-develop ng MEPS

 Para masuportahan ang pagpapayunir ko, nag-part time ako bilang isang typographer. Noong panahong iyon, may bago nang paraan ng pag-iimprenta. Imbes na gumamit ng lead para sa mga printing plate, tina-transfer ang mga letra at larawan gamit ang film. Natutuhan ko kung paano gamitin ang pinakabagong computerized na equipment para sa pagta-typeset para makapaghanda ng mga plate sa pag-iimprenta.

Noong araw ng kasal namin

 Noong 1980, ikinasal kami ni Helene. Regular pioneer din siya. Gaya ko, gusto rin niyang makilala ang mga tao mula sa ibang mga bansa at matutuhan ang tungkol sa kultura nila. Goal namin na makapag-aral sa Gilead at maging misyonero.

 Pero dahil may alam ako sa typography, naimbitahan kami ni Helene sa Bethel sa Sweden. Gusto ng organisasyon na magamit ang mga bagong teknolohiya para ma-improve ang pag-iimprenta natin. Kaya noong 1983, ipinadala kami sa Wallkill Bethel sa New York para ma-train sa bagong Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS) a na dine-develop ng mga kapatid.

Inihahanda ang mga MEPS equipment para sa Hong Kong, Mexico, Nigeria, at Spain

 Nalaman namin doon na sa computer program na MEPS, puwedeng mag-type ng mga salita sa iba’t ibang script o alpabeto, na isasama sa mga artwork, para makabuo ng mga pahina. Kasama kami sa mga gagawa ng mga bagong script para sa MEPS, para maimprenta sa mas maraming wika ang mga literatura natin. Sa ngayon, available na sa mahigit isang libong wika ang mabuting balita!

 Pagkatapos, nakatanggap kami ng atas ni Helene na pumunta sa Asia para tumulong na madagdagan pa ang mga wika sa MEPS. Masayang-masaya kaming makatulong para maging available ang mabuting balita sa mas maraming wika!

Isang Kulturang Ibang-iba

 Noong 1986, nakarating kami ni Helene sa India. Talagang nanibago kami! Pagdating namin sa Bombay, na tinatawag ngayong Mumbai, na-stress kami sa kakaibang kapaligiran doon. Parang magkaibang-magkaiba ang kultura ng Sweden at India! Unang linggo pa lang namin doon, parang gusto na naming umuwi.

 Pero pagkatapos ng unang linggong iyon, pareho naming naisip: ‘Hindi ba matagal na nating gustong maging misyonero? Kaya bakit tayo susuko ngayong nakatanggap na tayo ng atas sa ibang bansa? Kaya natin ito.’

 Kaya imbes na iwan ang atas namin, ginawa namin ang lahat para matutuhan ang paraan ng pamumuhay doon. At napamahal sa amin ni Helene ang India. Natuto pa nga kami ng dalawang wika sa India, ang Gujarati at Punjabi.

Atas sa Myanmar

Sa isang Kingdom Hall sa Myanmar habang nakasuot ng tradisyonal na damit

 Noong 1988, ipinadala kami sa Myanmar. Napapalibutan ito ng China, India, at Thailand. Magulo ang politika sa Myanmar, at karamihan sa mga lugar doon, nasa ilalim ng martial law. Hindi pa kasama sa MEPS ang alpabetong ginagamit sa Myanmar, at wala ring ibang program na puwedeng gamitin. Kaya kailangan muna naming idrowing ang mga alpabeto para sa wikang iyon at dalhin iyon sa Wallkill para ma-upload sa MEPS.

 Noong nasa airport na kami, dala-dala ni Helene sa handbag niya ang mga dinrowing namin na alpabeto. Dahil magulo sa politika noon, puwede kaming maaresto kung mahuli kaming may dala-dalang literatura sa wika ng Myanmar. Pero noong kapkapan si Helene, inangat lang niya ang kamay niya hawak ang bag. Walang nakapansin sa bag!

Dahil sa MEPS, mas gumanda ang hitsura ng mga publikasyon natin

 Noong available na sa MEPS ang wika ng Myanmar, binigyan din ang mga translator doon ng mga laptop, printer, at training sa MEPS. Noon lang nakakita ng computer ang karamihan sa mga translator, pero handa silang matuto. Di-nagtagal, hindi na nila kailangang umasa sa mga lumang komersiyal na imprentahan na mano-manong inaayos ang mga piraso ng lead para makapag-imprenta. Dahil diyan, gumanda agad ang pagkakaimprenta ng mga publikasyon natin.

Atas sa Nepal

 Noong 1991, naatasan kami ni Helene para tumulong sa Nepal, isang bansa na katabi ng kabundukan ng Himalaya. Noong panahong iyon, iisa lang ang kongregasyon sa bansa at iilan lang ang publikasyon sa wikang Nepali.

 Di-nagtagal, mas marami pang publikasyon ang nai-translate at naipamahagi sa Nepal. Sa ngayon, mga 3,000 na ang Saksi doon sa mahigit 40 kongregasyon. At mahigit 7,500 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 2022!

Isang Brosyur sa Wikang Lahu

 Noong kalagitnaan ng 1990’s, may mga misyonero sa Chiang Mai, Thailand, na nagsimulang mangaral sa mga taong kabilang sa tribo ng Lahu na nakatira sa mga bundok. Ang wikang Lahu ay ginagamit ng mga taong nakatira malapit sa mga border ng China, Laos, Myanmar, Thailand, at Vietnam. Pero wala tayong publikasyon sa wikang iyon.

 Isang kabataang lalaki ang bina-Bible study ng mga misyonero. Isinalin niya sa wikang Lahu ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay” mula sa wikang Thai. Kasama ang iba pang katribo niya, nangolekta sila ng pera at ipinadala ang brosyur at ang nakolekta sa tanggapang pansangay. Mababasa sa sulat nila na gusto nilang marinig ng lahat ng nagsasalita ng Lahu ang katotohanang natutuhan nila sa brosyur.

 Pagkalipas ng ilang taon, nagkapribilehiyo kami ni Helene na i-train sa paggamit ng MEPS ang mga translator sa wikang Lahu. Kasama sa kanila ang isang bagong bautisadong brother na naglilingkod sa translation office sa Chiang Mai. Nagulat kami na siya pala ang kabataang lalaki na nag-translate ng brosyur na “Narito!” sa wikang Lahu!

 Noong 1995, bumalik kami ni Helene sa India. Naglingkod kami sa sangay kasama ng mga translator para tulungan silang magamit ang MEPS sa atas nila. Nakakatuwa na available na ngayon sa maraming wika doon ang mga literaturang makakatulong sa mga tao na mag-aral ng Bibliya at sumulong para mabautismuhan.

Isang Napakasayang Buhay

 Mula 1999, nasa sangay sa Britain na kami ni Helene, at naglilingkod kasama ng MEPS Programming team sa world headquarters. Nag-e-enjoy kaming mangaral sa wikang Gujarati at Punjabi dito sa London! Kapag may bagong available na wika sa jw.org, nagsisikap kaming mangaral sa mga taong gumagamit ng wikang iyon sa teritoryo namin.

 Buti na lang nagsikap akong umabot ng mga espirituwal na tunguhin noong kabataan pa ako, imbes na sumama sa mga mahilig mag-party. Kapag binabalikan namin ni Helene ang naging buhay namin, hindi namin pinagsisisihan ang desisyon naming maglingkod nang buong panahon. Masaya kami kasi nakadalaw kami sa mahigit 30 bansa, at personal naming nakita na nakarating ang mabuting balita sa bawat bansa, tribo, at wika!—Apocalipsis 14:6.

a Tinatawag ngayong Multilanguage Electronic Publishing System. Ginagamit din ang MEPS sa paggawa ng mga publikasyon sa digital format.