MULA SA AMING ARCHIVE
Broadcast ng Mabuting Balita
Noong Linggo ng gabi, Pebrero 24, 1924, nagsimulang mag-broadcast sa unang pagkakataon ang bagong radio station ng mga Estudyante ng Bibliya a—ang WBBR. Kumusta ang unang broadcast na iyon? Sino ang mga nakarinig? At paano ginagamit ng mga Saksi ni Jehova hanggang ngayon ang pinakabagong mga teknolohiya para ipangaral ‘ang mabuting balita tungkol sa Kaharian sa buong lupa’?—Mateo 24:14.
“Nagsimula Na Kami”
Nagsimula ang unang broadcast ng 8:30 ng gabi, at tumagal ito nang dalawang oras. Nagmula ang broadcast ng programa sa bagong gawang studio sa Staten Island, New York. Inatasan si Brother Ralph Leffler bilang sound engineer para matiyak na maayos ang broadcast. Naalala niya na excited at kinakabahan ang lahat sa studio. Naisip niya noon, “May makakarinig kaya sa amin?” Sinabi niya, “Basta binuksan ko y’ong switch, nagsimula na kami, at umasang magiging okey ang lahat.”
Ang station manager na si Brother Victor Schmidt ang announcer para sa unang broadcast na iyon. Sinimulan niya ang programa sa pagpapakilala ng mga magpe-perform, at lahat sila ay mga Estudyante ng Bibliya. Una, isang brother ang tumugtog ng classical music sa piano. Pagkatapos, kumanta si Cora Wellman ng “The Ninety and Nine,” isang kanta base sa ilustrasyon ni Jesus sa nawawalang tupa. (Lucas 15:4-7) May iba pang mga nag-perform, kasama na si Frederick W. Franz. Kinanta niya ang “The Penitent,” na tungkol sa kuwento ng nawala, o alibughang, anak.—Lucas 15:11-25.
Nagkaroon din ng pahayag para ialay ang istasyon “sa interes ng kaharian ng Mesiyas.” Ibinigay ito ni Joseph F. Rutherford, ang nangunguna sa mga Estudyante ng Bibliya noon. Sinabi niya: “Dahil pinahintulutan ng Panginoon na magkaroon ng radyo sa panahong ito, siguradong kalooban din Niya na magamit ito para turuan ang mga tao tungkol sa katuparan ng mga hula Niya.”
“Dinig ang Lahat ng Pantig”
Marami sa northeastern United States ang nakapakinig ng unang broadcast. Isang tagapakinig sa Morrisville, Vermont, na mahigit 320 kilometro ang layo, ang nagsabi: “Masaya akong ireport sa inyo na naririnig ko ang broadcast ngayon. . . . Napakalinaw ng boses ni Rutherford. . . . Dinig ang lahat ng pantig sa mga salitang sinabi niya.” May nakapakinig pa nga sa Monticello, Florida! Talagang matagumpay ang bagong radio station, at marami ang sumulat para magpasalamat.
Nag-broadcast ang istasyon ng mensahe ng Kaharian sa loob ng 33 taon, b pangunahin na sa northeastern United States. Pero may mga panahon na kumokonekta ang WBBR sa iba pang mga istasyon, kaya milyon-milyon ang nakakapakinig sa United States, Canada, at iba pang mga bansa. Ganito ang sinabi ng 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Noong 1933, ang taon na pinakamarami ang nakakapakinig sa broadcast, 408 istasyon ang ginagamit natin para mag-broadcast sa anim na kontinente, at 23,783 pahayag sa Bibliya ang na-broadcast . . . Noong mga panahong iyon, maraming istasyon ang nagbo-broadcast ng programa ng Watch Tower nang sabay-sabay. Sinumang nakabukas ang radyo ay puwedeng makapakinig ng mensahe ng katotohanan tungkol sa Diyos.”
Mas Marami Na ang Napapangaralan sa Bahay-bahay Kaysa sa Radyo
Nang simulang gamitin ng mga Estudyante ng Bibliya ang WBBR, may average na 1,064 na mangangaral ng Kaharian sa United States. Nakatulong ang mga broadcast sa maliit na grupong ito para mapangaralan ang mas maraming tao. Pero noong 1957, may average nang 187,762 mangangaral sa United States, at 653,273 sa buong mundo. Isa pa, dahil sa mga pagsasanay sa mga pulong ng kongregasyon, mas humusay ang mga kapatid sa pangangaral sa bahay-bahay at sa iba pang paraan ng pangangaral.
Dahil sa magagandang pangyayaring ito, pinag-isipan ng mga nangunguna sa organisasyon kung epektibo pa rin ang radio broadcast kung ikukumpara sa pangangaral sa bahay-bahay. Ano ang resulta? Nagdesisyon na ibenta ang WBBR, ang natitirang istasyon na pag-aari at pinapatakbo ng Watchtower Society. Naibenta ito noong Abril 15, 1957. Noong araw bago nito, nagkaroon ng huling broadcast. Sa espesyal na programang iyon, tinanong si Nathan H. Knorr kung bakit ibebenta ang istasyon. Ipinaliwanag niya na ang pagdami ng mga Saksi ni Jehova ay pangunahin nang dahil sa pangangaral sa bahay-bahay. Sinabi niya: “Totoo, marami naman ang natulungan ng mga broadcast ng WBBR. Pero halos magkapantay lang ang bilis ng pagdami sa mga lugar na may WBBR at wala nito.” Kaya naisip ng mga brother na mas epektibo ang pagbabahay-bahay kaysa sa paggamit ng radyo. Pero hindi diyan nagtatapos ang pagbo-broadcast. Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ulit ng mga broadcast pero ibang-iba na ito.
Mga Broadcast Ngayon
Napaka-exciting ng Oktubre 6, 2014 para sa organisasyon ni Jehova. Iyon ang araw na naging available ang Internet television station na JW Broadcasting. Mapapanood na ng mga Saksi ni Jehova at ng iba pa ang monthly broadcast gamit ang isang Web browser, ang JW Library app, mga streaming device, o satellite receiver. c Pero sa ilang lugar, ginagamit pa rin ng bayan ni Jehova ang pagbo-broadcast sa radyo at TV. Paano?
Sa nakalipas na mga taon, nakapag-broadcast ang mga Saksi ng lingguhang mga pulong at kombensiyon sa mga lugar na walang Internet sa tulong ng mga kompanya ng radyo at telebisyon. Mapapakinggan at mapapanood ito ng maraming di-Saksi, kasama na ang maraming interesado. Halimbawa noong 2021 hanggang 2022, sinabi ng mga manager ng mga radio station sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa East Africa na nagustuhan ng maraming di-Saksi ang mga pulong. May mga nakatira sa Kenya, South Sudan, at Tanzania na nag-request pa nga ng personal na pag-aaral ng Bibliya.
Pero ang pangunahing ginagamit ng mga Saksi ni Jehova para ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa buong mundo ay pagbabahay-bahay, literature cart, at ang website na jw.org. Mababasa sa website namin ang Bibliya at ang mga literaturang base sa Bibliya sa mahigit 1080 wika—lahat iyan, walang bayad! Puwede ring magamit ang website para masagot ang mga tanong sa Bibliya at malaman kung kailan at saan may mga Kristiyanong pagpupulong. Dahil sa mga pagsisikap na ito ng mga Saksi ni Jehova, mas madali na ngayon para sa mga tao na matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ngayon lang naging ganito ka-accessible ang mabuting balita sa lahat! Gaya nga ng inihula ng Bibliya, talagang ‘naipapangaral ito sa buong lupa.’—Mateo 24:14.
a Noong 1931, ginamit na ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang Mga Saksi ni Jehova.
b May panahong may mga radio station din ang mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa, tulad ng Australia at Canada.
c Tingnan ang artikulong “Nakatulong ang JW Satellite Channel sa mga Lugar na Walang Internet.”