Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Videoconferencing Para sa mga Pulong ng Kongregasyon

Videoconferencing Para sa mga Pulong ng Kongregasyon

HUNYO 26, 2020

 Sa buong daigdig, ipinatupad ng maraming gobyerno ang physical distancing, at ipinagbawal ang mga pagtitipon ng mga tao. Mahigpit itong sinusunod ng mga Saksi ni Jehova, pero patuloy silang sumasamba nang magkakasama. Paano? Ang mga kongregasyon nila ay gumagamit ng mga videoconferencing app, gaya ng Zoom.

 Para patuloy tayong makapagpulong nang regular, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang paggamit ng mga donasyon para bumili ng mga Zoom account para sa mga kongregasyon. Napakalaking tulong nito sa ilang kongregasyon na hindi kayang bumili ng videoconference account, na nagkakahalaga ng $15-$20 (₱750-₱1,000) o mas mataas pa. Gumagamit sila ng mga libreng app na may limit sa dami ng puwedeng kumonekta o hindi masyadong secured. Ang mga kongregasyong gumagamit ng Zoom account ng organisasyon ay nakikinabang dito dahil madaling gamitin ang mga security setting nito at marami ang puwedeng kumonekta dito bawat pulong. Sa kasalukuyan, mahigit 65,000 kongregasyon sa mahigit 170 bansa ang gumagamit nito.

 Sa Manado, North Sulawesi, Indonesia, pinalitan ng Kairagi Congregation ang libreng videoconferencing app nila ng Zoom account ng organisasyon. Ipinaliwanag ni Brother Hadi Santoso: “Kahit ang mga kapatid na hindi masyadong marunong gumamit ng mga electronic device ay nasisiyahan na ngayon sa mga pulong kasi hindi na nila kailangang paulit-ulit na mag-log in sa bawat pulong.”

 Ikinuwento naman ni Lester Jijón, Jr., isang elder sa Guayacanes Oeste Congregation sa Guayaquil, Ecuador: “Dahil sa hirap ng buhay ng maraming kapatid, imposible para sa ilang kongregasyon na makabili ng Zoom license para makadalo ang lahat ng kapatid sa mga pulong. Buti na lang, nagkaroon kami ng Zoom account mula sa organisasyon. Dahil diyan, nakakapag-imbita kami nang husto sa mga pulong, kasi hindi kami nag-aalala na lalampas kami sa limit.”

 Sumulat si Johnson Mwanza, isang elder sa Ngwerere North Congregation sa Lusaka, Zambia: “Paulit-ulit na sinasabi ng maraming kapatid, ‘dahil sa kaayusan ng Zoom mula sa organisasyon, hindi lang kami lalong napalapít sa mga kapatid, nadama din namin na mahal na mahal kami ni Jehova.”

 Ang mga Zoom account na ito ay binili ng organisasyon gamit ang mga pondo para sa disaster relief. Ang mga pondong iyon ay galing sa boluntaryong mga donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Marami ang nagdo-donate gamit ang donate.mt1130.com. Salamat sa inyong pagiging bukas-palad. Ang inyong mga kontribusyon ay tumutulong din sa iba pang relief effort sa buong daigdig.​—2 Corinto 8:14.