Pumunta sa nilalaman

Mahigit 165,000 Cart ng Literatura

Mahigit 165,000 Cart ng Literatura

Ang mga Saksi ni Jehova, na kilalang-kilala sa pagbabahay-bahay, ay makikita na ngayong nakatayo sa tabi ng mga cart ng literatura sa pampublikong mga lugar.

Kamakailan, ang bagong paraang ito ng pangangaral ay mas binigyan ng pansin. Noong Nobyembre 2011, isang grupo ng mga Saksi sa New York City ang nagsikap na mapaabutan ang mga tao ng mensahe ng Bibliya sa pamamagitan ng mga displey ng literatura sa mga mesa at cart. Naging matagumpay ang pagsisikap na ito at mabilis na lumaganap sa iba pang lunsod.

Noong Marso 2015, mayroon nang 165,390 cart na naisuplay sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Libo-libong stand, mesa, at kiosk din ang ginawa.

Pagbabahay-bahay pa rin ang pangunahing paraan ng mga Saksi para ipaalam ang katotohanan sa Bibliya. Pero epektibo rin ang mga cart ng literatura. Tingnan ang ilang halimbawa.

Sa Peru, isang lalaking nagngangalang Raul ang lumapit sa mga Saksing nagbabantay sa isang cart at nagsabi: “Saan kayo galing? Tatlong taon na akong naghahanap ng mga Saksi! Salamat sa Diyos at nakita ko ang cart ninyo.”

Bagaman madalas puntahan ng mga Saksi ni Jehova ang lugar na tinitirhan ni Raul, lagi siyang wala sa bahay sa maghapon o sa weekend. Sinabi niyang dati siyang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at gusto niya itong ipagpatuloy. Kaya gumawa ng mga kaayusan para dito.

Sa Bulgaria, isang mag-asawa ang huminto sa isang cart at kumuha ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Nang sumunod na linggo, bumalik sila at kumuha pa ng dalawang aklat: Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Matuto Mula sa Dakilang Guro. Tinanong sila ng Saksi na nagbabantay sa cart kung ilan ang anak nila. Sinabi nila: “Wala pa, pero kapag nagkaanak kami, plano naming turuan sila tungkol sa Diyos. Itong mga aklat na ito ang talagang kailangan namin.”

Sa Ukraine, isang lalaking nakauniporme ng militar ang lumapit sa mga Saksing nagbabantay sa isang cart. Sinabi niya, “Mga iha, sabihin n’yo sa akin kung kailan darating ang Armagedon.” Kamakailan ay sumabak siya sa labanan sa Ukraine. Dahil sa mga pangyayari sa mundo, nakumbinsi siya na malapit na ang Armagedon, at nagtataka siya kung bakit hindi pa kumikilos ang Diyos. Gamit ang Bibliya, ipinaliwanag ng mga mamamahayag na may mabuting dahilan ang Diyos kung bakit hindi pa siya nakikialam sa ginagawa ng mga tao at na malapit na niyang puksain ang lahat ng masasama. Tinanggap ng lalaki ang mga magasing Bantayan at Gumising! at ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You?

Sa Macedonia, sinabi ng isang kabataang lalaki sa mga Saksing nagbabantay sa isang cart na pamilyar siya sa mga magasin nila, at gusto niyang magkaroon ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Sinabi niya na pupunta na siya sa pampublikong library para basahin ito.

Makalipas ang mga dalawang oras, bumalik ang lalaki pagkatapos mabasa ang unang 79 na pahina ng publikasyon. “Nakakapagpabago ng buhay ang aklat na ito!” ang sabi niya. “Mali pala ang marami sa dating paniniwala ko. Para sa akin, makatuwiran ang lahat ng paliwanag sa aklat na ito. Talagang binago nito ang pagkaunawa ko sa buhay!”