Pumunta sa nilalaman

Pagbabahagi ng Salig-Bibliyang Pag-asa sa Paris

Pagbabahagi ng Salig-Bibliyang Pag-asa sa Paris

Sa United Nations Conference on Climate Change (COP21), na ginanap noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 12, 2015, nagtipon ang mga delegado mula sa 195 bansa sa Paris, France, para talakayin kung paano babawasan ang epekto ng mga gawain ng tao sa pangglobong klima. Halos 38,000 katao—kasama ang mga opisyal ng gobyerno, siyentipiko, environmentalist, at mga lider ng negosyo—ang dumalo sa komperensiya. Libo-libong iba pa ang dumalaw naman sa kalapit na public information area para matuto nang higit pa tungkol sa pagbabago ng klima.

Kahit hindi nakibahagi sa komperensiya ang mga Saksi ni Jehova, interesado rin sila sa kapaligiran. Daan-daan sa kanila ang nakibahagi sa pantanging kampanya sa Paris para ibahagi ang kanilang salig-Bibliyang pag-asa na manirahan sa isang planeta na walang polusyon.

Samantalang sakay ng pampublikong transportasyon, isang Saksi ang nakipag-usap sa isang lalaking taga-Peru, na nakasuot ng tradisyonal na kasuotan ng Peru. Sinabi ng lalaki na kahit na malusog siya at masayang naninirahan sa isang magandang bundok, nababahala pa rin siya sa kinabukasan ng ating planeta. Naantig ang damdamin niya ng nakapagpapatibay na pag-asang ibinahagi sa kaniya, at nakangiti niyang tinanggap ang isang contact card na nagtuturo sa kaniya sa aming website, ang www.mt1130.com.

Sa isang tren, dalawang Saksi ang nakipag-usap sa isang Amerikanong environmental scientist. Nagulat siya nang malaman niyang dalawang beses na palang tumanggap ang mga Saksi ni Jehova ng rating na Four Green Globes mula sa Green Building Initiative dahil sa kanilang pagdidisenyo at pagtatayo ng dalawang gusali na di-makasisira sa kalikasan sa sangay ng mga Saksi sa United States sa Wallkill, New York. Masaya rin niyang tinanggap ang isang contact card.

Palibhasa’y humanga sa taimtim na interes ng mga Saksi sa kapaligiran, nangako ang marami na pupunta sa aming website. Nang mabalitaan ng isang delegado mula sa Canada ang pagsisikap ng mga Saksi na ingatan ang pinamumugaran ng eastern bluebird sa Warwick, New York, ang lokasyon ng bagong pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi, sinabi niya: “Dati akong ornitologo (dalubhasa sa mga ibon) bago ako naging tagapagtanggol ng kapaligiran. Hindi ko alam na may malaking paggalang pala ang mga Saksi ni Jehova sa mga hayop sa iláng. Babasahin ko ang inyong mga literatura at pupuntahan ko ang inyong website para matuto nang higit pa tungkol sa inyo!”