Graduation ng Ika-136 na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Matapos ang limang-buwang kurso ng puspusang pag-aaral ng Bibliya, ang ika-136 na klase ng Gilead ay nagtapos noong Sabado, Marso 8, 2014. Sa paaralang ito, natutuhan ng makaranasang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova na maging mas mabunga sa ministeryo at na patibayin ang pananampalataya ng kapuwa mga Saksi. Ang mga dumalo sa educational center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York, at sa pamamagitan ng video tie-in sa mga lugar sa Canada, Jamaica, Puerto Rico, at United States, ay may kabuuang bilang na 11,548.
“Panatilihin Ninyo sa Inyo ang Pangkaisipang Saloobing Ito.” Ibinatay ni David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng programa, ang pambungad ng kaniyang pahayag sa Filipos 2:5-7: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din.” Nang nasa lupa si Jesus, hindi siya nag-isip ng posisyon, kundi mapagpakumbaba siyang naglingkod sa Diyos.
Halimbawa, tinanggihan ni Jesus ang bawat tukso ng Diyablo sa pagsasabing “Nasusulat.” Sinipi niya ang sinabi ni Moises sa bansang Israel. (Mateo 4:4, 7, 10; Deuteronomio 6:13, 16; 8:3) Bagaman may awtoridad si Jesus na magsalita bilang pinahirang Anak ng Diyos, mapagpakumbaba niyang sinipi ang mga salita ni Moises. Dapat din nating kilalanin ang kakayahan ng iba at bigyan sila ng komendasyon.
Itinampok din ni Brother Splane kung paano ipinakita ni Jesus ang tamang saloobin noong magtatapos na ang pagsasanay niya sa lupa. Sinabi ni Jesus sa panalangin: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin. Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:4, 5) Hindi humihingi si Jesus ng karagdagang pribilehiyo. Hinihiling lang niya na kapag bumalik siya sa langit, ibalik sa kaniya ang dati niyang posisyon, o ‘dating trabaho.’ Dapat din siyang tularan ng mga nagtapos sa Gilead at magpokus sa gawain sa halip na sa posisyon. Dapat silang maging kontento kahit hindi sila tumanggap ng karagdagang pribilehiyo pagbalik nila sa kanilang mga atas.
“Pagsasakripisyo Nang Walang Panghihinayang.” Pinatibay ni William Malenfant, tumutulong sa Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala, ang mga estudyante na tularan ang pagsasakripisyo ni apostol Pablo. Sa halip na panghinayangan ang mga bagay na isinakripisyo niya alang-alang sa paglilingkod sa Diyos, sinabi ni Pablo: ‘Nilimot ko ang mga bagay na nasa likuran at inabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsumikap patungo sa tunguhin.’—Filipos 3:13, 14.
Matutularan ng mga estudyante ang tapat na mga lingkod ng Diyos noon at ngayon, kung hindi nila panghihinayangan ang kanilang mga isinakripisyo. Sinipi ni Brother Malenfant si Clara Gerber Moyer, na naglingkod kay Jehova mula pagkabata. Isinulat ni Clara: “Kay laking pribilehiyo na magbalik-tanaw sa mahigit na 80 taon ng nakatalagang paglilingkod sa Diyos—nang walang anumang pagsisisi! Kung mauulit ko ang aking buhay, mamumuhay pa rin ako na gaya ng dati.”
“Pangangaral ng Kaharian Kasama ng mga Anghel at Bilang mga Anghel.” Ipinaliwanag ni Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa mga estudyante na pahalagahan ang dalawang espesyal na pribilehiyo nila bilang mga mangangaral. Una, naglilingkod sila bilang mga anghel ng Diyos kapag inihahatid nila ang mensahe ng mabuting balita ng Kaharian, dahil ang mga salitang Hebreo at Griego na ginamit sa Bibliya para sa “anghel” ay maaari ding isalin na “mensahero.” Pangalawa, ang mga estudyante ay nangangaral ng mabuting balita sa patnubay ng mga anghel, gaya ni Felipe.—Gawa 8:26-35.
Ikinuwento ni Brother Lösch ang mga karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng Kaharian. Halimbawa, si Gabino na isang Saksi sa Mexico ay kadalasang isa o dalawang beses lang kung kumatok sa pinto. Pero minsan, apat na beses siyang kumatok sa isang pinto. Sinabi ng lalaki na nagbukas ng pinto na magpapakamatay na sana siya. “Nakikita mo ba ’yung lubid na iyon? Nakasuot na iyon sa leeg ko noong ikaapat mong katok,” ang sabi ng lalaki. “Pero tinanggal ko para buksan ang pinto. Buti na lang, matiyaga ka sa pagkatok, kasi kung hindi, nagbigti na ako.”
Maaaring ang mga karanasang gaya niyan ay nagkataon lang. Pero may mga pagkakataon na ginagabayan ng mga anghel ng Diyos ang pangangaral sa buong daigdig.—Apocalipsis 14:6.
“Ang Marangal ay Pagpapalain.” Ito ang tema ng pahayag ni Michael Burnett, instruktor sa Gilead. Ginamit niya ang halimbawa ng isang inapo ni Juda na si Jabez na “higit na marangal kaysa sa kaniyang mga kapatid.” Nanalangin si Jabez sa Diyos: “Walang pagsalang pagpapalain mo ako at palalakihin nga ang aking teritoryo at ang iyong kamay ay talagang sasaakin, at talagang iingatan mo ako mula sa kapahamakan!”—1 Cronica 4:9, 10.
Matutularan ng mga estudyante ang marangal na halimbawa ni Jabez kung magiging espesipiko sila sa panalangin, lalo na kapag hihingin nila ang tulong ng Diyos para matupad nila ang layunin ng pagsasanay sa Gilead. Maaari din nilang hingin sa Diyos na ingatan sila mula sa kapahamakan, hindi ang makaiwas sa lahat ng epekto nito, kundi ang tulungan sila na huwag madaig ng dalamhati o ng masamang epekto nito. Sinagot ng Diyos ang panalangin ni Jabez, at gagawin din Niya iyan sa mga estudyante ng Gilead.
“Manatiling Maningas.” Ibinatay ni Mark Noumair, instruktor sa Gilead at tumutulong din sa Teaching Committee, ang kaniyang pahayag sa 1 Tesalonica 5:16-19. Gaya ng literal na apoy na nangangailangan ng gatong, oksiheno, at init para patuloy na magningas, kailangan din ng mga estudyante ang tatlong bagay para manatiling masigasig sa ministeryo.
Una, “lagi kayong magsaya.” (1 Tesalonica 5:16) Ang mga estudyante ay maaaring maging masaya—gatong na magpapaningas ng kanilang sigasig—kung bubulay-bulayin nila ang mga pagpapala ng pagiging sinang-ayunan ni Jehova. Pangalawa, “manalangin kayo nang walang lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Ang panalangin ay gaya ng oksiheno na magpapaliyab sa apoy. Dapat nating habaan ang ating mga panalangin, na ibinubuhos ang nilalaman ng ating puso sa Diyos. Pangatlo, “sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tesalonica 5:18) Ang mapagpasalamat na puso ay nagpapaningas ng ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapatid. “Panatilihin ang mainit na damdamin ng pagpapahalaga,” sabi ni Brother Noumair, “at labanan ang malamig na saloobin ng pamimintas.”
“Purihin si Jehova Kasama ng Kalangitan.” Ibinatay ni Sam Roberson, instruktor sa mga teokratikong paaralan, ang kaniyang introduksyon sa mga pananalita ng Bibliya na nagpapakitang pinupuri ng araw, buwan, at mga bituin si Jehova. (Awit 19:1; 89:37; 148:3) Sinabi niya na may pribilehiyo rin ang mga estudyante na pumuri kay Jehova. Pagkatapos, ipinasadula niya sa ilan sa kanila ang mga karanasan nila sa ministeryo. Halimbawa, pinasalamatan ng isang estudyante ang isang lalaki na naka-wheelchair sa pagpapahalaga nito sa estudyante dahil inihinto niya ang kotse para makatawid ang lalaki. Nakapag-usap sila, at pumayag ang lalaki na makipag-aral ng Bibliya. Habang inaaralan ng Bibliya ang lalaki nang sumunod na mga linggo, napangaralan ng estudyante sa Gilead ang ilang dumalaw sa lalaki. Pito pang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan dahil sa pag-uusap na iyon.
“Magpakalakas sa Pamamagitan ng Edukasyong Mula sa Diyos.” Ininterbyu ni Donald Gordon, tumutulong sa Publishing Committee, ang dalawang mag-asawa sa klase. Binanggit ng isang ininterbyung brother na laging itinatampok sa klase ang Efeso 3:16-20. ‘Napalakas’ nito ang mga estudyante na maging mapagpakumbaba at madaling lapitan at kilalanin na marami pang ipagagawa si Jehova sa bawat Saksi. Sinabi ng isang sister na napatibay ng isang instruktor sa Gilead ang mga estudyante na huwag maging malaking isda sa maliit na aquarium na wala nang lugar para lumaki pa. Sa halip, dapat silang maging maliit na isda sa malaking karagatan. Sinabi niya: “Natutuhan ko na kung magpapakababa ako sa organisasyon ni Jehova, tutulungan niya akong lumaki sa espirituwal.”
“Alalahanin Ka Nawa ni Jehova sa Ikabubuti.” Ibinigay ni Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang pinakatampok na pahayag sa programa. Ang tema ay batay sa panalangin ni Nehemias: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.” (Nehemias 5:19; 13:31) Hindi nangangamba si Nehemias na kalilimutan siya ni Jehova at ang kaniyang paglilingkod sa Diyos. Sa halip, hinihiling niya sa Diyos na magiliw siyang alalahanin at pagpalain.
Makapagtitiwala rin ang mga estudyante na aalalahanin sila ni Jehova sa ikabubuti kung gagawin nila ang mga natutuhan nila sa Gilead. Halimbawa, dapat na ang pangunahing motibo nila sa pagsamba kay Jehova ay ang buong-pusong pag-ibig nila sa kaniya. (Marcos 12:30) Buong-pusong minahal ni Abraham si Jehova, at magiliw siyang inalala ng Diyos. Kahit na libo-libong taon nang patay si Abraham, tinawag pa rin siya ng Diyos na “aking kaibigan.”—Isaias 41:8.
Sunod, pinaalalahanan ni Brother Sanderson ang mga estudyante na ibigin ang kanilang kapuwa, lalo na ang kanilang mga kapananampalataya. (Marcos 12:31) Gaya ng mabuting Samaritano, na “naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw,” dapat silang magkusang tumulong sa mga nangangailangan. (Lucas 10:36) Para ilarawan, ginamit niya ang halimbawa ni Nicholas Kovalak, nagtapos din sa Gilead at naging tagapangasiwa ng distrito. Kilalang mapagmahal si Brother Kovalak. Minsa’y pinayuhan niya ang isang naglalakbay na tagapangasiwa at ang asawa nito na maging masikap sa kanilang ministeryo at “magsimula nang maaga sa bawat araw, bawat linggo, bawat buwan, at bawat taon.” Matapos maobserbahan nang ilang araw ang sister, sinabi niya rito: “Kalimutan mo na ang sinabi ko. Sobra na ang sipag mo. Hinay-hinay lang, para makapaglingkod ka pa nang mas matagal kay Jehova.” Ang mabait at makonsiderasyong payo nito ang nakatulong sa sister na makapaglingkod nang buong-panahon sa loob ng mga dekada.
Bilang pagtatapos, hinimok ni Brother Sanderson ang mga estudyante na tupdin ang layunin ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsasanay sa iba. (2 Timoteo 2:2) Habang ginagampanan nila ang kanilang mga atas, mapatitibay nila ang mga kapatid, at makatitiyak na aalalahanin sila ni Jehova sa ikabubuti.—Awit 20:1-5.
Konklusyon. Matapos tanggapin ng mga estudyante ang kanilang diploma, binasa ng isa sa mga nagtapos ang liham ng pasasalamat ng klase. Sa pagtatapos ng programa, umawit ang 15 miyembro ng klase ng isang a cappella ng awit bilang 123 mula sa Umawit kay Jehova, na pinamagatang “Mga Pastol—Kaloob na mga Tao.”