“May Lugar ang Kababaihan sa Konstruksiyon”
Isang respetadong organisasyon ng konstruksiyon sa Britain ang nagbigay ng papuri sa mga Saksi ni Jehova dahil sa pagsasanay sa kababaihan sa paggamit ng mga heavy equipment sa kanilang bagong tanggapang pansangay malapit sa Chelmsford, Essex. Binigyan ng Considerate Constructors Scheme * (CCS) ng perpektong 10 puntos ang pagsasanay ng mga Saksi sa kababaihan, at inilarawan ito bilang “makabago.” Bakit ganoon kataas ang ibinigay na puntos?
Sa Britain, ang mga babaeng nagtatrabaho sa konstruksiyon ay wala pang 13 porsiyento. Ayon sa isang survey na isinagawa ng isang kompanya sa Britain, iilang kabataang babae lang ang gustong magtrabaho sa industriya ng konstruksiyon. Pero iba sa site sa Chelmsford, dahil mga 40 porsiyento ng nagtatrabaho doon ay kababaihan. At mahigit 60 porsiyento ng mga nag-o-operate ng heavy equipment ay mga babae.
Ano ang nakatulong sa mga kababaihang Saksi na magawa ito? Malaki ang naitutulong ng pagsasanay at suporta. Ang dalawang bagay na ito ay kasama sa pamantayan ng pagsasanay ng CCS. Tinutulungan ng pamantayang ito ang mga manggagawa na pahalagahan ang kanilang mga katrabaho sa pamamagitan ng “pagpapakita ng paggalang, pakikitungo ng patas, pagpapasigla at pagsuporta sa isa’t isa kapag nasa trabaho” pati na rin ang “pagkakaroon ng pagsasanay.”
Pagsasanay sa Kababaihan na Mag-operate ng Heavy Equipment
Si Jade, isa sa mga babaeng sinanay na mag-operate ng mga excavator at dump truck, ang nagsabi: “Grabe! Hindi ko akalaing kaya kong gawin iyon. Minsan, mahirap ang trabaho pero patuloy akong sinasanay at natututo ng mga bagong bagay.” Katulad ni Jade, si Lucy ay isa na rin ngayong operator ng heavy equipment. Sinabi niya: “Noong una akong dumating sa site, wala akong alam kaya pakiramdam ko, wala akong maitutulong. Pero mula nang unang araw na iyon, sinanay na nila ako. Mula noon, nakasama na ako sa limang iba’t ibang team, kaya marami akong natutuhan!”
Higit pa sa pag-o-operate ng mga makina ang kayang gawin ng mga babae sa team. Sinabi ni Eric, isa sa mga nangunguna sa grupo: “Mas naiingatan ng mga babae ang mga makina ng higit kaysa sa mga lalaki, at napapansin din nila agad kung may problema ang makina nila, at inirereport nila iyon.”
Pagsuporta sa Kababaihan sa Konstruksiyon
Si Carl, na nangunguna sa ilang crew na gumagamit ng heavy equipment, ay nagsabi: “Talagang humahanga ako dahil marunong mag-operate ng makina ang mga babae. Minsan nga, mas pinipili ko pang sila ang magmaneho kaysa sa makaranasang mga lalaki!”
Kapag sinusuportahan ng mga nangunguna sa grupo ang mga kasama nila sa trabaho, lumalakas ang loob nila. Kitang-kita iyan sa karanasan ni Therese, na isang makaranasang machine operator. Alam niya na napakalaki ng responsibilidad ng isang heavy equipment operator, at kailangan ang mahusay na pagdedesisyon para matiyak ang kaligtasan. Ipinaliwanag ni Therese: “Kapag alam kong suportado ako ng nangunguna sa grupo namin, mas marami akong nagagawa kaysa sa inaasahan ko dahil alam kong pinagkakatiwalaan ako. Sulit ang lahat ng pagsisikap ko kapag alam kong pinahahalagahan at nirerespeto ang mga nagagawa ko!”
Pinahahalagahan ni Abigail, isa pang operator ng mga excavator at dump truck, ang suporta at tulong ng iba: “Hindi ako minamaliit ng mga lalaking kasama ko sa trabaho. Handa silang tumulong, pero hindi nila inaagaw ang trabaho, sa halip, hinahayaan nila na ako ang gumawa nito.”
Nakapokus at Maingat na mga Manggagawa
Bukod sa pag-o-operate ng iba’t ibang heavy equipment, ang mga babae sa Chelmsford ay sinanay rin sa iba pang mga trabaho gaya ng pagse-survey, pagma-manage ng mga lupa, pagkukumpuni ng mga makina, at paglalagay ng scaffold. Nakasama ni Robert ang mga babae sa iba’t ibang atas, at sinabi niya na sila ay “nakapokus, masisipag, at atentibo sa mga detalye.” Idinagdag pa ni Tom, na kasama sa team ng pagse-survey: “Napakadetalyado at maiingat ng kababaihan sa aking crew. Tinitiyak nilang tama ang ginagawa nila.”
Hindi nakapagtatakang sinabi ni Fergus na isa ring nangunguna sa grupo: “Talagang may lugar ang kababaihan sa konstruksiyon!”
^ par. 2 Ang Considerate Constructors Scheme ay isang organisasyon na inatasang pasulungin ang industriya ng konstruksiyon sa Britain.