Pinoprotektahan ang Maiilap na Hayop sa Chelmsford
Sinimulan na ng mga Saksi ni Jehova sa Britain ang pagtatayo ng kanilang bagong tanggapang pansangay malapit sa Chelmsford, sa lalawigan ng Essex. Ang magandang lugar na ito ay tirahan ng ilang uri ng maiilap na hayop na pinoprotektahan ng Wildlife and Countryside Act 1981 sa United Kingdom. Sa panahon ng konstruksiyon, ano ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova para masunod ang batas na iyon at maprotektahan ang maiilap na hayop?
Gamit ang ni-recycle na tabla mula sa site, gumawa ang mga Saksi ng maliliit na kahong pugad para maengganyo ang mga hazel dormouse na doon magpugad nang sa gayo’y mailayo sila sa lugar ng konstruksiyon. Iginawa rin nila ng tulay ang mga dormouse sa ibabaw ng bagong pasukang daan para mapanatiling konektado ang mga puno at halamang-bakod na tirahan ng mga dormouse. Bukod diyan, may sinusunod ang mga Saksi na programa ng pagmamantini sa mga halamang-bakod na dinisenyo para sa kapakinabangan ng mga dormouse. Sa taunang panahon ng hibernation ng mga ito, isang partikular na seksiyon lang ng mga halamang-bakod ang binabawasan. Ginagawa ito para di-gaanong magambala ang mga dormouse, maprotektahan ang kanilang tirahan, at matiyak na lagi silang may mga lugar na mapagkukunan ng pagkain.
Pinoprotektahan din ng mga Saksi ang mga ahas-damo, mga karaniwang bubuli, at walang-paang maliliit na bubuli na tinatawag na blindworm. Tinipon ng mga ecologist ang mga reptilyang ito mula sa ilalim ng mga pambubong na tisa na inilaan para pansamantalang mapagtaguan ng mga ito at pagkatapos ay inilipat ang mga ito sa ligtas na lugar na malayo sa konstruksiyon. Ang bagong tirahan ng mga reptilya ay may mga hibernation chamber at isang espesyal na bakod. Regular na tinitingnan ng mga Saksi ang bakod para matiyak na ang mga reptilya ay hindi makababalik sa lugar ng konstruksiyon, kung saan maaaring mapinsala ang mga ito.
Para hindi magambala ang mga vespertilionid bat sa gabi, ang ginagamit sa site ay mga lamparang LED na dinisenyong limitahan ang pagkalat ng liwanag. Umiilaw lang ang mga ito kapag may na-detect na umaandar na sasakyan, kaya napananatiling laging madilim ang paligid hangga’t maaari. Kadalasan nang humahanap ng pagkain ang mga paniki sa gabi mula sa mga halamang-bakod sa paligid, kaya ang karamihan sa mga halamang-bakod ay pananatilihin at magtatanim pa ng mga bagong halamang-bakod sa haba na mahigit dalawa at kalahating kilometro (1.6 milya). Hindi maiiwasang putulin ang ilang puno sa lugar ng konstruksiyon, kaya may mga kahong inilagay kapalit ng nawalang tirahan ng mga paniki.
Iniingatan ng mga Saksi ang maraming kapaki-pakinabang na puno—tinatawag na matatandang puno—kaya hindi nila pinadaraan ang mga sasakyan sa mga lugar kung saan nag-uugat ang mga ito. Ang matatandang puno ay tirahan ng maraming uri ng invertebrate, paniki, at ibon. Sa ganitong mga paraan, ipinakikita ng mga Saksi na determinado silang patuloy na protektahan ang maiilap na hayop sa Chelmsford.