Pagbibigay ng Pag-asa at Pampatibay sa Matatanda
Parami nang parami ang bilang ng matatanda sa Australia, gaya rin sa maraming bansa. Dinadala ang ilan sa kanila sa mga nursing home, kung saan inaalagaan sila ng mga staff.
Siyempre, hindi lang pag-aalaga sa kalusugan ang kailangan ng mga nakatira sa nursing home. Baka nababagot sila, nalulungkot, o pinanghihinaan pa nga ng loob. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng pag-asa at pampatibay sa pamamagitan ng pagdalaw nila linggo-linggo sa dalawang nursing home sa Portland, isang bayan sa Victoria, Australia.
Pagtalakay sa Bibliya na Dinisenyo Para sa mga Nursing Home
Dinadalaw ng mga Saksi roon ang isang grupo ng matatanda at tinatalakay nila sa mga ito ang Bibliya, gaya ng mahahalagang pangyayari sa buhay ni Jesus. “Binabasa namin ang Bibliya kasama ng matatanda,” ang sabi ni Jason, “at tinatalakay ito sa kanila.” Marami sa mga pumupunta ang may mga sakit at mahihina, kaya binibigyan sila ng mga Saksi ng pag-asa at pampatibay sa pamamagitan ng pagtalakay sa pangako ng Diyos na aalisin niya ang sakit at kamatayan.
“Noong una, kalahating oras lang ang pagdalaw namin, pero gusto ng matatanda na dagdagan namin ito,” ang sabi ni Tony, isang Saksing tagaroon. “Kaya ngayon mga isang oras na ang talakayan namin. Pero sinabi ng isang matanda na gusto niya na dalawang oras!” Ang ilang matanda ay bulag, nakaratay na sa kama, o hindi na makahawak ng mga bagay, kaya inaalalayan sila ng mga Saksi sa talakayan at sinasabi sa kanila na makibahagi rito hangga’t kaya nila.
Bilang bahagi ng pagdalaw, ang mga Saksi at ang mga nakatira sa nursing home ay kumakanta ng mga awit ng papuri sa Diyos, at madalas na nagre-request ang matatanda na kumanta pa. Sinabi ni John, * isa sa mga nakatira sa nursing home: “Gustong-gusto namin ang kanta ninyo. Nakikilala namin ang Diyos at natututo kaming igalang siya.” Nasaulo ni Judith, isang may-edad na bulag, ang lyrics ng lahat ng paborito niyang kanta!
Nagmamalasakit ang mga Saksi sa matatanda. Sinabi ni Brian, isang Saksi ni Jehova, na kapag may sakit ang mga may-edad, dinadalaw nila ang mga ito sa kuwarto. “Nakikipagkuwentuhan kami sa kanila at kinukumusta. Minsan, bumabalik kami kinabukasan para dalawin ang may sakit.”
“Isinugo Kayo ng Diyos sa Amin”
Pinahahalagahan ng mga nakatira sa nursing home ang mga pagdalaw. Sinabi ni Peter, na nagpupunta sa talakayan linggo-linggo: “Gustong-gusto kong pumunta doon.” Sinasabi ni Judith sa caregiver niya: “Miyerkules na! Ihanda mo na ako para sa Bible study. Ayokong ma-late!”
Natutuwa ang matatanda sa natututuhan nila, at nadarama nilang mas napapalapit sila sa Diyos. Matapos talakayin ang isa sa mga turo ni Jesus, sinabi ni Robert: “Ngayon ko lang naintindihan ang tekstong ito sa Bibliya!” Natutuhan ni David na mahalaga ang panalangin, at sinabi niya: “Nakatulong ito sa akin na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos at naging totoo siya sa akin.”
Gustong-gusto ng mga nakatira sa nursing home na matutuhan ang tungkol sa pag-asa sa hinaharap na nakaulat sa Bibliya. “Salamat sa pagdadala sa amin ng pag-asa mula sa Bibliya,” ang sabi ni Lynette, na nakatira sa nursing home. Sinabi ng isa pang nakatira doon: “Isinugo kayo ng Diyos sa amin!”
Tuwang-tuwa si Margaret sa mga pagdalaw sa nursing home, at ngayon, regular na siyang dumadalo sa pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall doon. Malaking pagsisikap ito para sa kaniya dahil sa kalusugan niya at hiráp na siyang maglakad. Sinabi niya sa mga Saksi: “Binigyan ninyo kaming lahat ng dahilan para mabuhay.”
“Napakaganda ng Ginagawa Ninyo”
Pinasasalamatan din ng mga staff ang pagdalaw ng mga Saksi. Ikinuwento ni Anna, isang Saksing tagaroon: “Sinasabihan ng mga staff ang matatanda na sumama sa talakayan sa Bibliya dahil napapansin nila na ang matatandang pumupunta doon ay mas masaya pagkatapos ng talakayan.” Sinabi pa ni Brian, na binanggit kanina: “Palakaibigan ang mga staff. Handang-handa silang tumulong.”
Natutuwa ang mga kapamilya ng matatanda dahil nakikita nilang nag-e-enjoy sa talakayan ang mga mahal nila sa buhay. Pinasalamatan ng anak na babae ng isang may-edad sa nursing home ang mga Saksi. Sinabi niya: “Napakaganda ng ginagawa ninyo para sa nanay ko.”
^ par. 7 Binago ang mga pangalan ng mga nakatira sa nursing home.