Pumunta sa nilalaman

Bakit Naiiba sa Ibang Relihiyon ang Pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapunan ng Panginoon?

Bakit Naiiba sa Ibang Relihiyon ang Pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapunan ng Panginoon?

 Sinusunod naming mabuti ang Bibliya kung paano dapat ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon, na tinatawag ding “Huling Hapunan” at Memoryal ng kamatayan ni Jesus. (1 Corinto 11:20) Sa kabaligtaran, marami sa mga paniniwala at kaugalian ng ibang relihiyon may kaugnayan sa pagdiriwang nito ay hindi nakabatay sa Bibliya.

Layunin

 Ipinagdiriwang ang Hapunan ng Panginoon para alalahanin si Jesus at ipakita ang pagpapahalaga natin sa inihandog niya alang-alang sa atin. (Mateo 20:28; 1 Corinto 11:24) Ito ay hindi isang sakramento, o relihiyosong seremonya na nagbibigay ng isang bagay na mabuti gaya ng biyaya o ng kapatawaran ng mga kasalanan. a Itinuturo ng Bibliya na mapapatawad ang mga kasalanan natin, hindi dahil sa isang relihiyosong ritwal, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesus.—Roma 3:25; 1 Juan 2:1, 2.

Gaano kadalas?

 Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na gunitain ang Hapunan ng Panginoon, pero hindi niya sinabi kung gaano kadalas. (Lucas 22:19) May nagsasabing dapat itong ipagdiwang buwan-buwan, samantalang ang iba naman ay nagdiriwang nito linggo-linggo, araw-araw, maraming beses sa isang araw, o sa tuwing naiisip ng isa na dapat niya itong gawin. b Pero ito ang ilang bagay na dapat pag-isipan.

 Pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon noong petsa ng Paskuwa ng mga Judio, at namatay siya nang araw ding iyon. (Mateo 26:1, 2) Hindi ito nagkataon lang. Ikinumpara ng Kasulatan ang handog ni Jesus sa kordero para sa Paskuwa. (1 Corinto 5:7, 8) Ang Paskuwa ay ipinagdiriwang nang isang beses sa isang taon. (Exodo 12:1-6; Levitico 23:5) Sa katulad na paraan, ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay ipinagdiwang ng unang mga Kristiyano taon-taon, c at sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang parisang iyan na salig sa Bibliya.

Petsa at oras

 Ipinapakita rin ng parisang itinakda ni Jesus hindi lang kung gaano kadalas idaraos ang Memoryal kundi pati ang petsa at oras nito. Pinasimulan niya ang pagdiriwang pagkalubog ng araw noong Nisan 14, 33 C.E., ayon sa kalendaryong lunar ng Bibliya. (Mateo 26:18-20, 26) Patuloy naming ipinagdiriwang ang Memoryal sa petsang iyan taon-taon bilang pagsunod sa kaugalian ng unang mga Kristiyano. d

 Bagaman araw ng Biyernes noon ang Nisan 14, 33 C.E., ang anibersaryo ng petsang iyan ay posibleng pumatak ng ibang araw taon-taon. Natutukoy namin ang petsa ng Nisan 14 taon-taon gamit ang pamamaraan noong panahon ni Jesus, sa halip na sundin ang modernong kalendaryo ng mga Judio. e

Tinapay at Alak

 Sa bagong pagdiriwang na ito, gumamit si Jesus ng tinapay na walang lebadura at pulang alak na natira sa hapunan ng Paskuwa. (Mateo 26:26-28) Bilang pagsunod sa kaniyang halimbawa, gumagamit kami ng tinapay na walang lebadura o dagdag na mga sangkap at ng purong pulang alak, hindi katas ng ubas o alak na pinatamis o hinaluan ng ibang sangkap.

 Ang ilang relihiyon ay gumagamit ng tinapay na may lebadura o pampaalsa, pero ang lebadura ay karaniwan nang ginagamit sa Bibliya bilang simbolo ng kasalanan at kasamaan. (Lucas 12:1; 1 Corinto 5:6-8; Galacia 5:7-9) Kaya ang puwede lang sumagisag sa walang-kasalanang katawan ni Kristo ay ang tinapay na walang lebadura at walang ibang sangkap. (1 Pedro 2:22) Ang isa pang kaugaliang hindi nakabatay sa Bibliya ay ang paggamit ng di-pinakasim na katas ng ubas sa halip na alak. Ginagawa iyan ng ilang relihiyon dahil sa kanilang di-makakasulatang pagbabawal sa pag-inom ng alak.—1 Timoteo 5:23.

Mga emblema, hindi literal na laman at dugo

 Ang tinapay na walang lebadura at ang pulang alak na iniaalok sa Memoryal ay mga emblema, o sagisag, ng laman at dugo ni Kristo. Hindi ito makahimalang nagiging literal na laman at dugo o humahalo sa kaniyang laman at dugo, gaya ng iniisip ng ilan. Tingnan natin ang mga tekstong pinagbasehan ng pagkaunawang ito.

  •   Kung inutusan ni Jesus ang mga alagad niya na inumin ang kaniyang dugo, para na rin niyang sinasabing labagin nila ang kautusan ng Diyos laban sa pagkain ng dugo. (Genesis 9:4; Gawa 15:28, 29) Imposibleng gawin iyon ni Jesus, dahil hinding-hindi niya tuturuan ang iba na labagin ang kautusan ng Diyos may kinalaman sa kabanalan ng dugo.—Juan 8:28, 29.

  •   Kung literal na iniinom ng mga apostol ang dugo ni Jesus, hindi niya dapat sinabing ang kaniyang dugo “ay ibubuhos,” na nagpapahiwatig na hindi pa nagaganap ang kaniyang paghahandog.—Mateo 26:28.

  •   Ang paghahandog ni Jesus ay naganap “nang minsanan.” (Hebreo 9:25, 26) Pero kung ang tinapay at alak ay naging literal na laman at dugo niya noong Hapunan ng Panginoon, inuulit na naman ng mga nakikibahagi ang paghahandog na iyon.

  •   Sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin,” hindi “bilang paghahandog sa akin.”—1 Corinto 11:24.

 May mga naniniwala sa transubstansiyasyon, na ang tinapay at alak ay naging literal na katawan at dugo ni Jesus. Ibinatay nila ang doktrinang ito sa mga pananalita ng ilang talata sa Bibliya. Halimbawa, sa maraming salin ng Bibliya, iniulat na sinabi ni Jesus tungkol sa alak: “Ito ay aking dugo.” (Mateo 26:28) Pero ang mga salita ni Jesus ay puwede ring isaling “Ito ay nangangahulugan ng aking dugo,” “Ito ay kumakatawan sa aking dugo,” o “Ito ay sagisag ng aking dugo.” f Gaya ng lagi niyang ginagawa, si Jesus ay nagtuturo sa pamamagitan ng paghahambing.—Mateo 13:34, 35.

Sino ang nakikibahagi?

 Kapag ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Hapunan ng Panginoon, iilan lang sa amin ang kumakain ng tinapay at umiinom ng alak. Bakit?

 Ang itinigis na dugo ni Jesus ay nagtatag ng “isang bagong tipan” na kapalit ng tipan sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng sinaunang bansang Israel. (Hebreo 8:10-13) Ang mga kabilang sa bagong tipang iyan ang nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Hindi kabilang dito ang lahat ng Kristiyano, kundi ang “mga tinawag” lang ng Diyos sa isang natatanging paraan. (Hebreo 9:15; Lucas 22:20) Ang mga ito ay mamamahala sa langit kasama ni Kristo, at ayon sa Bibliya, 144,000 lang ang may ganiyang pribilehiyo.—Lucas 22:28-30; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3.

 Kabaligtaran ng “munting kawan” na tinawag para mamahalang kasama ni Kristo, ang karamihan sa amin ay may pag-asang maging bahagi ng “malaking pulutong” na mabubuhay magpakailanman sa lupa. (Lucas 12:32; Apocalipsis 7:9, 10) Kami na may makalupang pag-asa ay hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, pero nakikiisa kami sa pagpapasalamat sa inihandog ni Jesus alang-alang sa amin.—1 Juan 2:2.

a Ang Cyclopedia nina McClintock at Strong, Tomo IX, pahina 212 ay nagsabi: “Ang terminong sakramento ay wala sa Bagong Tipan; at ang salitang Griego na μυστήριον [my·steʹri·on] ay hindi ginamit kahit minsan para tumukoy sa bautismo o sa hapunan ng Panginoon, o sa anumang iba pang pagdiriwang.”

b May mga salin ng Bibliya sa Ingles na gumagamit ng terminong “as often as” may kaugnayan sa Hapunan ng Panginoon, at binigyang-kahulugan ang pananalitang iyan bilang pagpapahiwatig kung gaano kadalas dapat gunitain ang hapunan. Pero ang termino sa orihinal na wika, kapag ginamit sa kontekstong ito, ay nangangahulugang “tuwing.”—1 Corinto 11:25, 26; New International Version; Good News Translation.

c Tingnan ang The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, Tomo IV, pahina 43-44, at ang Cyclopedia nina McClintock at Strong, Tomo VIII, pahina 836.

d Tingnan ang The New Cambridge History of the Bible, Tomo 1, pahina 841.

e Sa modernong kalendaryo ng mga Judio, nakadepende ang simula ng buwan ng Nisan sa bagong buwan batay sa astronomiya, pero hindi ito ang ginagamit noong unang siglo. Sa halip, nagsisimula ang buwan kapag nakita na ang bagong buwan mula sa Jerusalem, na mga isang araw o higit pa pagkatapos ng bagong buwan batay sa astronomiya. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi laging magkapareho ang petsa ng pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ng Memoryal at ang petsa kung kailan ipinagdiriwang ng mga Judio ang Paskuwa.

f Tingnan ang A New Translation of the Bible, ni James Moffatt; The New Testament—A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams; at The Original New Testament, ni Hugh J. Schonfield.