May Sarili Bang Bibliya ang mga Saksi ni Jehova?
Gumagamit ang mga Saksi ni Jehova ng iba’t ibang salin sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Pero mas gusto naming gamitin ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, kung available ito sa isang wika, dahil sa paggamit nito sa pangalan ng Diyos, at pagiging tumpak at malinaw.
Paggamit sa pangalan ng Diyos. Hindi pinararangalan ng ilang tagapaglathala ng Bibliya ang Awtor nito. Halimbawa, sa isang salin ng Bibliya, inilagay ang pangalan ng mahigit 70 katao na nagkaroon ng bahagi sa pagpo-produce nito. Pero sa salin ding ito, tinanggal ang pangalan ng Awtor—ang Diyos na Jehova!
Sa kabaligtaran, isinauli ng Bagong Sanlibutang Salin ang banal na pangalan sa libo-libong teksto kung saan ito lumitaw sa orihinal na akda, samantalang ang komite na nag-produce ng salin na ito ay hindi nagpakilala.
Tumpak. Hindi lahat ng salin ay naghahatid ng orihinal na mensahe ng Bibliya sa tumpak na paraan. Halimbawa, sa isang Bibliya, ganito ang pagkakasalin sa mga sinabi ni Jesus sa Mateo 16:24: “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.” Maraming siglo bago dumating si Kristo, ang mga pagano ay gumagamit na ng krus sa kanilang pagsamba. Pagsapit ng kalagitnaan ng ikatlong siglo C.E., tinanggap ng mga simbahan ang simbolong ito bilang krus ni Kristo. Marahil ay isiningit ng mga tagapagsalin ang konsepto ng “krus” sa Salita ng Diyos dahil sa paniniwala nilang sa krus namatay si Jesus. Pero sa orihinal na teksto, ang salitang ginamit ay “tulos,” at hindi “krus.” Kaya tumpak na sinasabi ng Bagong Sanlibutang Salin: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.”
Malinaw. Ang isang mahusay na salin ay dapat na hindi lang tumpak kundi malinaw rin at madaling maunawaan. Pansinin ang isang halimbawa. Sa Roma 12:11, ginamit ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang pananalitang literal na nangangahulugang “pakuluin ang espiritu.” Dahil hindi na ito gaanong nauunawaan sa modernong Ingles, isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang tekstong ito sa paraan na madaling maunawaan. Sinasabi nito na ang mga Kristiyano ay dapat na “maging masigasig . . . dahil sa banal na espiritu.”
Maliban sa paggamit ng pangalan ng Diyos, pagiging tumpak, at malinaw, natatangi rin ang Bagong Sanlibutang Salin sa isa pang dahilan: Ipinamamahagi ito nang walang bayad. Bilang resulta, milyon-milyon na ang nakababasa ng Bibliya sa kanilang sariling wika—pati na ang mga hindi kayang bumili ng Bibliya.