Paano Ako Magiging Isang Saksi ni Jehova?
Ang mga hakbang kung paano maging isang Saksi ni Jehova ay inilarawan ni Jesus sa Mateo 28:19, 20. Ipinakikita ng tekstong ito kung ano ang dapat gawin ng isa para maging alagad ni Kristo, na nagsasangkot ng pagsasalita, o pagpapatotoo, tungkol kay Jehova.
Hakbang 1: Alamin ang itinuturo ng Bibliya. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘gumawa ng mga alagad at turuan sila.’ (Mateo 28:19, 20) Ang salita na isinaling “alagad” ay literal na nangangahulugang “naturuan.” Ang Bibliya, lalo na ang mga turo ni Jesu-Kristo na matatagpuan doon, ay naglalaman ng mga impormasyong kailangan para maging masaya at makabuluhan ang buhay. (2 Timoteo 3:16, 17) Natutuwa kaming tulungan kang matutuhan ang itinuturo ng Bibliya sa pamamagitan ng aming libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya.—Mateo 10:7, 8; 1 Tesalonica 2:13.
Hakbang 2: Isabuhay ang mga natutuhan mo. Sinabi ni Jesus na ang mga natuto ay dapat ding ‘tumupad sa lahat ng iniutos niya.’ (Mateo 28:20) Nangangahulugan ito na ang pag-aaral ng Bibliya ay hindi lang basta pagkuha ng kaalaman. Maipapakita nito sa iyo kung may kailangan kang baguhin sa iyong pag-iisip at pagkilos. (Gawa 10:42; Efeso 4:22-29; Hebreo 10:24, 25) Ang mga tumutupad sa utos ni Jesus ay napakikilos na gumawa ng personal na desisyon na sumunod sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova.—Mateo 16:24.
Hakbang 3: Magpabautismo. (Mateo 28:19) Sa Bibliya, ikinukumpara ang bautismo sa paglilibing. (Ihambing ang Roma 6:2-4.) Sumasagisag ito sa pagkamatay sa dating landasin ng buhay at pagsisimula ng panibago. Kung gayon, ang iyong bautismo ay pagpapakita sa madla na nagawa mo na ang unang dalawang hakbang na sinabi ni Jesus at na humihiling ka sa Diyos ng isang malinis na budhi.—Hebreo 9:14; 1 Pedro 3:21.
Paano ko malalaman kung handa na akong magpabautismo?
Lumapit sa mga elder sa kongregasyon. Kakausapin ka nila para tiyakin kung nauunawaan mo ang nasasangkot sa bautismo, kung naikakapit mo ang iyong natututuhan, at kung naialay mo na sa Diyos ang iyong sarili ayon sa iyong sariling kagustuhan.—Gawa 20:28; 1 Pedro 5:1-3.
Kailangan din bang gawin ng mga anak ng Saksi ang mga hakbang na ito?
Oo. Pinalalaki namin ang aming mga anak “sa disiplina at patnubay ni Jehova,” tulad ng iniuutos ng Bibliya. (Efeso 6:4) Pero habang lumalaki ang mga bata, sila ang magpapasiya kung gusto nilang matutuhan, tanggapin, at isabuhay ang itinuturo ng Bibliya bago sila maging kuwalipikado sa bautismo. (Roma 12:2) Sa huli, ang indibidwal ang dapat magpasiya may kinalaman sa pagsamba.—Roma 14:12; Galacia 6:5.