Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?
Bilang mga Saksi ni Jehova, nagsisikap kaming sundin ang anyo ng Kristiyanismo na itinuro ni Jesus at isinagawa ng kaniyang mga apostol. Sa artikulong ito, ipinaliliwanag sa maikli ang mga pangunahin naming paniniwala.
Diyos. Sumasamba kami sa tanging tunay na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang, na ang pangalan ay Jehova. (Awit 83:18; Apocalipsis 4:11) Siya ang Diyos nina Abraham, Moises, at Jesus.—Exodo 3:6; 32:11; Juan 20:17.
Bibliya. Kinikilala namin ang Bibliya bilang mensahe ng Diyos sa mga tao. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16) Nakasalig ang aming paniniwala sa lahat ng 66 na aklat nito, na binubuo ng “Lumang Tipan” at ng “Bagong Tipan.” Angkop na inilarawan ito ni Propesor Jason D. BeDuhn nang sabihin niyang isinalig ng mga Saksi ni Jehova “ang kanilang mga paniniwala at gawain sa mismong sinasabi ng Bibliya nang hindi patiunang bumubuo ng sariling palagay hinggil sa sasabihin nito.” a
Bagaman tinatanggap namin ang buong Bibliya, hindi naman kami mga pundamentalista. Alam namin na may mga bahagi ng Bibliya na isinulat sa makasagisag o simbolikong pananalita at hindi dapat unawain sa literal na paraan.—Apocalipsis 1:1.
Jesus. Sumusunod kami sa mga turo at halimbawa ni Jesu-Kristo at pinararangalan namin siya bilang aming Tagapagligtas at bilang Anak ng Diyos. (Mateo 20:28; Gawa 5:31) Sa gayon, kami ay mga Kristiyano. (Gawa 11:26) Pero nalaman namin mula sa Bibliya na si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at na walang basehan sa Kasulatan ang doktrina ng Trinidad.—Juan 14:28.
Kaharian ng Diyos. Ito ay isang totoong gobyerno sa langit, at hindi lang basta nasa puso ng mga Kristiyano. Ito ang papalit sa mga gobyerno ng tao at tutupad sa layunin ng Diyos para sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Malapit na itong kumilos, dahil ipinahihiwatig ng hula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14.
Si Jesus ang Hari ng Kaharian ng Diyos sa langit. Nagsimula siyang mamahala noong 1914.—Apocalipsis 11:15.
Kaligtasan. Ang katubusan mula sa kasalanan at kamatayan ay naging posible dahil sa haing pantubos ni Jesus. (Mateo 20:28; Gawa 4:12) Para makinabang sa haing iyan, ang mga tao ay hindi lang dapat sumampalataya kay Jesus kundi dapat din nilang baguhin ang kanilang buhay at magpabautismo. (Mateo 28:19, 20; Juan 3:16; Gawa 3:19, 20) Ang mga gawa ng isang tao ay nagpapatunay na buháy ang pananampalataya niya. (Santiago 2:24, 26) Pero ang kaligtasan ay hindi natatamo dahil sa sariling pagsisikap—kundi sa “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.”—Galacia 2:16, 21.
Langit. Ang Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo, at ang tapat na mga anghel ay nasa dako ng mga espiritu. b (Awit 103:19-21; Gawa 7:55) Ang isang maliit na grupo ng mga tao—144,000—ay bubuhaying muli tungo sa langit para mamahalang kasama ni Jesus sa Kaharian.—Daniel 7:27; 2 Timoteo 2:12; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3.
Lupa. Nilalang ng Diyos ang lupa para maging tahanan ng mga tao magpakailanman. (Awit 104:5; 115:16; Eclesiastes 1:4) Ang masunuring mga tao ay bibigyan ng Diyos ng perpektong kalusugan at ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.—Awit 37:11, 34.
Kasamaan at pagdurusa. Nagsimula ito nang magrebelde ang isa sa mga anghel ng Diyos. (Juan 8:44) Hinikayat ng rebeldeng anghel na ito, na tinawag na “Satanas” at “Diyablo,” ang unang mag-asawa na kumampi sa kaniya, at nagbunga ito ng kapahamakan sa kanilang mga inapo. (Genesis 3:1-6; Roma 5:12) Para malutas ang ibinangong isyu ni Satanas tungkol sa moral, pinahintulutan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa, pero hindi Niya ito hahayaang magpatuloy magpakailanman.
Kamatayan. Ang mga taong patay ay hindi na umiiral. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10) Hindi sila pinahihirapan sa isang maapoy na impiyerno.
Bilyon-bilyong tao ang bubuhaying muli ng Diyos. (Gawa 24:15) Pero ang mga tumatangging matuto sa mga daan ng Diyos matapos buhaying muli ay pupuksain magpakailanman at hindi na bubuhaying muli.—Apocalipsis 20:14, 15.
Pamilya. Nanghahawakan kami sa orihinal na pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa bilang ang pagsasama ng isang lalaki at isang babae, at na ang seksuwal na imoralidad lang ang tanging saligan ng diborsiyo. (Mateo 19:4-9) Kumbinsido kami na nakatutulong ang karunungang nasa Bibliya para magtagumpay ang mga pamilya.—Efeso 5:22–6:1.
Pagsamba. Hindi kami sumasamba sa krus o mga imahen. (Deuteronomio 4:15-19; 1 Juan 5:21) Kabilang sa mahahalagang aspekto ng aming pagsamba ang mga sumusunod:
Pananalangin sa Diyos.—Filipos 4:6.
Pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.—Awit 1:1-3.
Pagbubulay-bulay sa aming natututuhan mula sa Bibliya.—Awit 77:12.
Pagtitipon para manalangin, mag-aral ng Bibliya, umawit, magpahayag ng pananampalataya, at magpatibayan.—Colosas 3:16; Hebreo 10:23-25.
Pangangaral ng ‘mabuting balita ng Kaharian.’—Mateo 24:14.
Pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall at iba pang mga pasilidad na ginagamit para sa higit pang pandaigdig na pagtuturo ng Bibliya.—Awit 127:1.
Organisasyon. Kami ay inorganisa bilang mga kongregasyon, na bawat isa ay pinangangasiwaan ng isang lupon ng matatanda o elder. Pero ang mga elder na ito ay hindi bumubuo ng isang uring klero, at wala silang suweldo. (Mateo 10:8; 23:8) Wala kaming ikapu, at walang koleksiyon sa aming mga pulong. (2 Corinto 9:7) Ang lahat ng aming gawain ay suportado ng donasyon ng mga taong hindi nagpapakilala.
Ang Lupong Tagapamahala ay isang maliit na grupo ng mga maygulang na Kristiyanong naglilingkod sa aming pandaigdig na punong tanggapan. Sila ang nagbibigay ng mga tagubilin sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.—Mateo 24:45.
Pagkakaisa. Sa buong daigdig, kami ay nagkakaisa sa aming paniniwala. (1 Corinto 1:10) Nagsisikap din kami na huwag magkabaha-bahagi dahil sa lipunan, kultura, lahi, o katayuan sa buhay. (Gawa 10:34, 35; Santiago 2:4) Pero kahit nagkakaisa kami, may kalayaan naman kaming magpasiya. Ang bawat Saksi ay nagpapasiya kasuwato ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya.—Roma 14:1-4; Hebreo 5:14.
Paggawi. Nagsisikap kaming magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig sa lahat ng aming pagkilos. (Juan 13:34, 35) Umiiwas kami sa mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos, pati na ang maling paggamit ng dugo gaya ng pagpapasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29; Galacia 5:19-21) Kami ay mapayapa at hindi nakikibahagi sa digmaan. (Mateo 5:9; Isaias 2:4) Iginagalang namin ang pamahalaan ng bansang pinaninirahan namin at sinusunod ang mga batas nito hangga’t hindi iyon salungat sa mga batas ng Diyos.—Mateo 22:21; Gawa 5:29.
Kaugnayan sa iba. Iniutos ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Sinabi rin niya na ang mga Kristiyano ay “hindi ... bahagi ng sanlibutan.” (Mateo 22:39; Juan 17:16) Kaya nagsisikap kaming “gumawa ... ng mabuti sa lahat,” pero nananatili kaming neutral pagdating sa politika at iniiwasan naming makisangkot sa ibang relihiyon. (Galacia 6:10; 2 Corinto 6:14) Gayunman, iginagalang namin ang pasiya ng iba sa gayong mga bagay.—Roma 14:12.
Kung may tanong ka pa tungkol sa paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, puwede kang magpunta sa aming website at magbasa pa ng tungkol sa amin, tumawag sa isa sa aming mga opisina, dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall na malapit sa inyo, o makipag-usap sa isa sa mga Saksi sa inyong lugar.
a Tingnan ang Truth in Translation, pahina 165.
b Ang masasamang anghel ay inihagis mula sa langit, pero naroroon pa rin sila sa dako ng mga espiritu.—Apocalipsis 12:7-9.