BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Ang Dami Kong Tanong”
Isinilang: 1976
Bansang Pinagmulan: Honduras
Dating pastor
ANG AKING NAKARAAN
Ipinanganak ako sa La Ceiba, Honduras, ako ang bunso sa limang magkakapatid at nag-iisang lalaki. Ako lang din ang bingi sa aming pamilya. Delikado sa lugar na tinitirhan namin, at mahirap lang kami. Noong mga apat na taóng gulang pa lang ako, mas lumala pa ang sitwasyon namin dahil namatay sa aksidente ang tatay ko habang nasa trabaho.
Ginawa ng nanay ko ang lahat para maibigay ang kailangan naming magkakapatid, pero bihira niya akong mabilhan ng damit. Kapag umuulan, giniginaw ako dahil wala akong maisuot na pangginaw.
Habang lumalaki, natuto ako ng Honduras Sign Language (LESHO), kaya nakakausap ko ang ibang bingi. Pero hindi marunong ng LESHO ang nanay at mga kapatid ko. Gumagamit lang sila ng ilang senyas at mga inimbentong senyas para makausap ako. Pero mahal ako ng nanay ko at pinoprotektahan niya ako. Gamit ang ilang senyas na alam niya, sinasabihan niya akong umiwas sa mga bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-abuso sa alak. Kaya, nagpapasalamat ako na naiwasan ko ang mga bisyong ito.
Noong bata pa ako, isinasama ako ng nanay ko sa Simbahang Katoliko, pero wala akong naiintindihan doon kasi wala namang nag-i-interpret sa sign language. Naiinip ako roon kaya tumigil na ako sa pagpunta sa simbahan noong 10 taóng gulang na ako. Pero gusto ko pa ring matuto tungkol sa Diyos.
Noong 1999, noong 23 taóng gulang na ako, may nakilala akong babae na galing sa United States na kabilang sa isang relihiyong Evangelical. Tinuruan niya ako sa Bibliya at ng American Sign Language (ASL). Talagang nagustuhan ko ang natutuhan ko sa Bibliya kaya nagpasiya akong maging pastor. Lumipat ako sa Puerto Rico at dumalo sa isang Christian training center para sa mga bingi. Nang bumalik ako sa La Ceiba noong 2002, nakapagtatag ako ng isang simbahan para sa mga bingi sa tulong ng ilang kaibigan ko. Di-nagtagal, napangasawa ko si Patricia na isa sa kanila.
Bilang pastor ng simbahan namin, nagbibigay ako ng sermon sa LESHO, nagpapakita ng mga larawan ng kuwento sa Bibliya, at iniaakto ang mga iyon para maintindihan ng mga bingi. Pinupuntahan ko rin ang mga bingi sa kalapit na mga bayan para patibayin sila at tulungan sa mga problema nila. Naging misyonero din ako sa United States at Zambia. Pero kaunti lang talaga ang alam ko sa Bibliya. Sinasabi ko lang kung ano ang natutuhan ko at kung ano ang naintindihan ko sa mga larawan. Sa totoo, ang dami kong tanong.
Isang araw, may mga miyembro ng simbahan namin na nagkalat ng tsismis tungkol sa akin. Sinasabi nila na lasenggo raw ako at nangangaliwa. Nadismaya ako at nagalit. Di-nagtagal, iniwan namin ni Patricia ang simbahan.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Madalas kaming bisitahin ng mga Saksi ni Jehova, pero hindi namin sila pinapansin. Nang iwan namin ang simbahan, nagpasiya kami ni Patricia na makipag-aral ng Bibliya sa isang mag-asawang Saksi—sina Thomas at Liccy. Humanga ako kasi kahit hindi sila bingi, marunong silang mag-sign language. Kaya sumama rin ako kay Patricia sa pag-aaral.
Ilang buwan din kaming nag-Bible study gamit ang mga video sa ASL. Pero noong sinabi ng mga kaibigan ko na sumusunod lang sa tao ang mga Saksi ni Jehova, tumigil na kaming mag-Bible study. Kahit ipinaliwanag sa akin ni Thomas ang mga ebidensiyang hindi sumusunod ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong lider, hindi ko siya pinaniwalaan.
Pagkalipas ng ilang buwan, nang makaranas si Patricia ng depresyon, nanalangin siya sa Diyos na magpadala ng mga Saksi ni Jehova sa bahay namin. Di-nagtagal, isang kapitbahay naming Saksi ni Jehova ang bumisita kay Patricia at sinabing sasabihan niya si Liccy na bumisita sa kaniya. Talagang tunay na kaibigan si Liccy. Pinupuntahan niya si Patricia linggo-linggo para patibayin at mag-Bible study. Pero nagdududa pa rin ako sa mga Saksi.
Noong 2012, nagkaroon ng espesyal na kampanya ang mga Saksi ni Jehova sa pag-aalok ng video na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? sa LESHO. Binigyan kami ni Liccy ng kopya ng video. Noong pinanood ko ito, nagulat ako na marami pala sa mga doktrinang itinuturo ko, gaya ng maapoy na impiyerno at imortalidad ng kaluluwa, ay wala sa Bibliya.
Noong sumunod na linggo, pumunta ako sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova para kausapin si Thomas. Sinabi ko sa kaniya na gusto kong ituro ang katotohanan sa mga bingi pero hindi bilang isang Saksi ni Jehova. Iniisip kong magtayo ng hiwalay at sarili kong simbahan para sa mga bingi. Pinuri ako ni Thomas sa sigasig ko, pero ipinakita niya sa akin ang Efeso 4:5, na nagpapakitang kailangan ng pagkakaisa sa tunay na kongregasyong Kristiyano.
Binigyan din ako ni Thomas ng video na Mga Saksi ni Jehova—Buháy ang Pananampalataya, Bahagi 1: Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag sa ASL. Ipinapakita ng video ang grupo ng mga lalaki na maingat na sinuri ang Bibliya para maintindihan ang katotohanan tungkol sa pangunahing mga doktrina. Habang pinapanood ko ito, naintindihan ko ang nadama ng mga lalaking nasa video. Gaya nila, hinahanap ko rin ang katotohanan. Nakumbinsi ako ng video na ang mga Saksi ang nagtuturo ng katotohanan dahil sa Bibliya lang nakabatay ang mga paniniwala nila. Kaya nagpa-Bible study ulit ako, at noong 2014, nagpabautismo kami ni Patricia bilang mga Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Nagustuhan ko ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova dahil malinis ito, gaya ng Diyos na malinis. Ang mga mananamba ay magalang magsalita at mabait makitungo sa iba. Mapagpayapa sila at pinapatibay ang isa’t isa. Nagkakaisa ang mga Saksi at iisang katotohanan sa Bibliya ang itinuturo nila saanmang bansa sila nakatira o anuman ang kanilang wika.
Gustong-gusto ko ang mga natututuhan ko sa Bibliya. Halimbawa, natutuhan ko na si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Soberano ng buong mundo. Mahal niya ang mga hindi nakakarinig at mga nakakarinig. Pinapahalagahan ko ang pag-ibig ng Diyos sa akin. Natutuhan ko rin na magiging paraiso ang buong lupa at may pagkakataon tayong mabuhay magpakailanman na may perpektong kalusugan. Nasasabik ako sa panahong magkakatotoo ito!
Masayang-masaya kami ni Patricia na makipag-usap sa ibang bingi tungkol sa Bibliya. Bible study na namin ang ilang miyembro ng dati naming simbahan. Pero wala na akong tanong tungkol sa mga itinuturo ko, di-gaya noong pastor pa ako. Sa wakas, nasagot na ang mga tanong ko sa Bibliya dahil sa mga Saksi ni Jehova.