BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Naging Palaboy Ako”
Isinilang: 1955
Bansang Pinagmulan: Spain
Dating Sugapa sa Droga at Alak, Marahas
ANG AKING NAKARAAN
May mga taong matagal matuto mula sa kanilang masasaklap na karanasan sa buhay. Ganiyan ako noon. Isinilang ako at lumaki sa Barcelona, ang ikalawang pinakamalaking lunsod sa Spain. Nakatira kami sa Somorrostro, na sumasakop ng malaking bahagi ng lunsod sa may baybayin. Kilalá ang Somorrostro dahil sa krimen at droga.
Siyam kaming magkakapatid, at ako ang panganay. Dahil napakahirap namin, pinagtrabaho ako ni Tatay bilang tagapulot ng bola sa isang tennis club. Sampung taóng gulang ako noon at nagtatrabaho ako nang 10 oras sa isang araw. Kaya naman hindi ako nakapag-aral, di-gaya ng karamihan sa mga kaedad ko. Sa edad na 14, nagtrabaho ako bilang makinista sa isang talyer ng metal.
Noong 1975, tinawag akong magsundalo, na mahigpit na kahilingan sa Spain. Mahilig akong makipagsapalaran, kaya nagboluntaryo akong sumama sa Spanish Foreign Legion sa Melilla, isang teritoryo ng Spain sa North Africa. Nang panahong iyon, naging sugapa ako sa droga at alak.
Nang umalis ako sa Legion, bumalik ako sa Barcelona at bumuo ng isang gang. Nagnanakaw kami ng anumang bagay na makukuha namin. Ibinebenta namin ang mga ito para may pambili kami ng droga. Umiinom ako ng LSD at amphetamine, at nasangkot ako sa bisyo—babae, alak, at sugal. Naging mas marahas ako dahil sa pamumuhay kong ito. Lagi akong may dalang kutsilyo, palakol, o itak, at hinding-hindi ako takót na gamitin ito kapag napapasubo ako sa gulo.
Minsan, kami ng barkada ko ay nagnakaw ng kotse at hinabol kami ng pulis. Para itong eksena sa pelikula. Nakalayo na kami nang mga 30 kilometro, hanggang sa pagbabarilin kami ng mga pulis. Kaya ibinangga ng drayber namin ang kotse, at nagtakbuhan kami. Nang malaman ito ni Tatay, pinalayas niya ako.
Sa sumunod na limang taon, naging palaboy ako. Natutulog ako sa mga pintuan, trak, bangko sa parke, at sa mga sementeryo. Nasubukan ko pa ngang tumira sa isang kuweba. Walang layunin ang buhay ko, at hindi mahalaga sa akin kung mabuhay ako o mamatay. Natatandaan kong naglaslas ako ng pulso at braso nang nasa impluwensiya ako ng droga. Makikita pa ang mga peklat ko.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Nang 28 anyos ako, hinanap ako ni Nanay at pinauwi sa amin. Pumayag ako at nangakong magbabago, pero hindi ko naman nagawa agad.
Isang hapon, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto. Habang nakikinig ako sa kanila, sumigaw si Tatay mula sa loob ng bahay na pagsarhan ko raw ang mga ito ng pinto. Ayaw na ayaw kong inuutusan kaya hindi ko siya pinansin. Inalok ako ng mga Saksi ng tatlong maliliit na aklat na tinanggap ko naman. Tinanong ko sila kung saan sila nagtitipon, at makalipas ang ilang araw, nagpunta ako sa Kingdom Hall.
Napansin ko agad na maayos manamit ang lahat. Kumpara sa akin na may mahabang buhok, magulong balbas, at gusgusin. Hindi ako nababagay roon, kaya nanatili ako sa labas. Pero laking gulat ko nang makita ko ang dati kong barkada sa gang na si Juan na nakaamerikana. Nalaman ko na isang taon na siyang Saksi ni Jehova. Lumakas ang loob ko, kaya pumasok ako at dumalo sa pulong. Diyan nag-umpisa ang pagbabago ko.
Nakipag-aral ako ng Bibliya at na-realize ko na kung gusto ko ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan kong baguhin ang aking pagiging agresibo at imoral. Hindi ito madali. Nalaman ko na para malugod sa akin ang Diyos na Jehova, kailangan kong ‘baguhin ang aking pag-iisip.’ (Roma 12:2) Napakamaawain ng Diyos. Sa kabila ng lahat ng nagawa ko, nadama kong binibigyan niya ako ng pagkakataong magbago. Ang natutuhan ko tungkol sa Diyos na Jehova ay tumagos sa aking puso. Naunawaan ko na may isang Maylikha na nagmamalasakit sa akin.—1 Pedro 5:6, 7.
Ito ang nag-udyok sa akin na magbago. Halimbawa, nang talakayin sa aming pag-aaral ng Bibliya ang tungkol sa sigarilyo, naisip ko, ‘Kung gusto ng Diyos na Jehova na manatili akong malinis at walang dungis, kailangang ihinto ko ang paninigarilyo!’ (2 Corinto 7:1) Kaya itinapon ko ang sigarilyo sa basurahan!
Kailangan ko ring ihinto ang paggamit at pagbebenta ng droga. Nangailangan ito ng panahon at pagsisikap. Para magawa ko iyan, kailangan kong iwan ang dati kong barkada. Hindi sila makakatulong sa akin para sumulong ako sa espirituwal. Pero nang maglaon, higit akong nagtiwala sa Diyos at sa tulong ng aking bagong mga kaibigan sa kongregasyon. Sa buong buhay ko, noon ko lang naranasan ang tunay na pag-ibig at malasakit. Sa paglipas ng mga buwan, nakalaya rin ako sa droga at ‘nagbihis ng bagong personalidad,’ na tutulong sa akin na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. (Efeso 4:24) Noong Agosto 1985, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Gumanda ang buhay ko dahil sa Bibliya. Napalaya ako sa nakapipinsalang pamumuhay na sumisira sa aking katawan at sa aking dignidad. Sa katunayan, mahigit 30 sa dati kong barkada ang namatay sa maagang edad dahil sa AIDS o iba pang sakit na nauugnay sa droga. Nagpapasalamat ako na sa pagsunod ko sa mga simulain sa Bibliya, naiwasan ko ang gayong kalunos-lunos na resulta.
Hindi na ako nagdadala ng mga kutsilyo at palakol. Hinding-hindi ko inakala na balang araw ay Bibliya ang aking dadalhin at gagamitin para tulungan ang mga tao. Sa ngayon, kaming mag-asawa ay naglilingkod bilang buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Hindi naging Saksi ni Jehova ang mga magulang ko, pero pinahahalagahan nila ang mga pakinabang na natanggap ko sa pag-aaral ng Bibliya. Sa katunayan, ipinagtatanggol pa nga ni Tatay ang mga Saksi sa lahat ng kaniyang mga kasamahan. Maliwanag sa kaniya na ang aking bagong relihiyon ang bumago sa akin. Madalas sabihin sa akin ni Nanay na noon pa sana ako nag-aral ng Bibliya. Tama siya!
Natuto ako mula sa mga naranasan ko sa buhay na walang mabuting maidudulot ang droga at ang iba pang bisyo. Tuwang-tuwa ako ngayon na ibahagi sa iba ang mga turong nasa Salita ng Diyos—mga turong talagang nagligtas ng buhay ko.