Ano Ba ang Hitsura ni Jesus?
Ang sagot ng Bibliya
Walang nakaaalam kung ano talaga ang hitsura ni Jesus, dahil hindi naman inilalarawan sa Bibliya ang pisikal niyang hitsura. Ipinakikita nito na hindi mahalaga ang pisikal na hitsura ni Jesus. Pero binibigyan tayo ng Bibliya ng ilang ideya tungkol sa panlahatang hitsura ni Jesus.
Hitsura: Si Jesus ay isang Judio at malamang na namana niya ang Semitikong katangian ng kaniyang ina. (Hebreo 7:14) Malamang na ang kaniyang hitsura ay hindi lubhang naiiba. Minsan, nagawa niyang palihim na maglakbay nang hindi nakikilala mula sa Galilea patungo sa Jerusalem. (Juan 7:10, 11) At kahit sa gitna ng kaniyang pinakamalalapit na alagad, maliwanag na hindi siya namumukod-tangi. Alalahanin na kinailangang ipakilala ni Hudas Iscariote si Jesus sa nasasandatahang pulutong na aaresto sa kaniya.—Mateo 26:47-49.
Haba ng buhok: Hindi kapani-paniwala na mahaba ang buhok ni Jesus, sapagkat sinasabi ng Bibliya na kung “ang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kasiraang-puri sa kaniya.”—1 Corinto 11:14.
Balbas: Si Jesus ay may balbas. Sinunod niya ang kautusang Judio, na nagbabawal sa mga adultong lalaki na huwag ‘sisirain ang dulo ng kanilang balbas.’ (Levitico 19:27; Galacia 4:4) Binabanggit din ng Bibliya ang balbas ni Jesus sa isang hula tungkol sa kaniyang pagdurusa.—Isaias 50:6.
Katawan: Ipinahihiwatig ng lahat ng salaysay na si Jesus ay may matipunong pangangatawan. Sa kaniyang ministeryo, naglakad siya nang maraming milya. (Mateo 9:35) Dalawang ulit niyang nilinis ang templo ng mga Judio, itinaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi, at minsang pinalayas ang mga tupa at baka gamit ang panghagupit na lubid. (Lucas 19:45, 46; Juan 2:14, 15) Sinasabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Ang buong salaysay ng ebanghelyo ay nagpapahiwatig na [si Jesus] ay may malusog at puspos ng siglang pangangatawan.”—Tomo IV, pahina 884.
Ekspresyon ng mukha: Si Jesus ay mapagmahal at mahabagin, at tiyak na makikita ito sa ekspresyon ng kaniyang mukha. (Mateo 11:28, 29) Hinahanap siya ng lahat ng uri ng tao para sa kaaliwan at tulong. (Lucas 5:12, 13; 7:37, 38) Kahit ang mga bata ay palagay ang loob sa kaniya.—Mateo 19:13-15; Marcos 9:35-37.
Maling akala tungkol sa hitsura ni Jesus
Maling akala: Ikinakatuwiran ng ilan na si Jesus ay mula sa angkang Aprikano dahil ikinukumpara sa aklat ng Apocalipsis ang kaniyang buhok sa balahibo ng tupa at ang kaniyang mga paa sa “pinakinang na tanso.”—Apocalipsis 1:14, 15, The New Jerusalem Bible.
Ang totoo: Ang aklat ng Apocalipsis ay inihaharap “sa mga tanda.” (Apocalipsis 1:1) Makasagisag na pananalita ang ginamit sa paglalarawan sa buhok at mga paa ni Jesus para ilarawan ang mga katangian ni Jesus pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, hindi ang pisikal na hitsura niya nang nasa lupa siya. Sa pagsasabing ang “ulo [ni Jesus] at ang kaniyang buhok ay maputi na gaya ng puting balahibo ng tupa, gaya ng niyebe,” hindi ang hilatsa kundi ang kulay ang ikinukumpara ng Apocalipsis 1:14. Kumakatawan ito sa kaniyang karunungan dahil sa edad. (Apocalipsis 3:14) Hindi ikinukumpara ng talatang ito ang hilatsa ng buhok ni Jesus sa balahibo ng tupa ni sa niyebe.
Ang mga paa ni Jesus ay parang “mainam na tanso kapag nagbabaga sa hurno.” (Apocalipsis 1:15) Ang kaniya ring mukha ay “gaya ng araw kapag sumisikat ito sa kaniyang kalakasan.” (Apocalipsis 1:16) Yamang walang lahi ang may gayong kulay na tumutugma sa paglalarawang ito, ang pangitaing ito ay tiyak na makasagisag, na nagpapakitang ang binuhay-muling si Jesus ay isa na “tumatahan sa di-malapitang liwanag.”—1 Timoteo 6:16.
Maling akala: Si Jesus ay mahina at malamya.
Ang totoo: Si Jesus ay tunay na lalaki. Halimbawa, buong-tapang na ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa nasasandatahang pulutong na dumating para arestuhin siya. (Juan 18:4-8) Tiyak na malakas ang pangangatawan ni Jesus dahil nagtrabaho siya bilang karpintero gamit ang mano-manong kasangkapan.—Marcos 6:3.
Kung gayon, bakit nangailangan ng tulong si Jesus para pasanin ang kaniyang pahirapang tulos? At bakit una siyang namatay kaysa sa ibang ibinayubay na kasama niya? (Lucas 23:26; Juan 19:31-33) Bago ang kamatayan ni Jesus, hinang-hina na ang kaniyang katawan. Wala siyang tulog, dahil na rin sa matinding paghihirap ng damdamin. (Lucas 22:42-44) Noong gabi ay pinagmalupitan siya ng mga Judio at kinaumagahan, pinahirapan naman siya ng mga Romano. (Mateo 26:67, 68; Juan 19:1-3) Malamang na ito ang mga dahilan kung bakit una siyang namatay.
Maling akala: Si Jesus ay laging malungkot, mapanglaw.
Ang totoo: Lubusang makikita kay Jesus ang mga katangian ng kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, na inilalarawan ng Bibliya bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11; Juan 14:9) Sa katunayan, itinuro ni Jesus sa iba kung paano magiging maligaya. (Mateo 5:3-9; Lucas 11:28) Ipinakikita ng mga katotohanang ito na madalas mabanaag ang kaligayahan sa ekspresyon ng kaniyang mukha.