Paano Ko Makikilala ang Tunay na Relihiyon?
Ang sagot ng Bibliya
Para ilarawan kung paano makikilala ang mga nagsasagawa ng tunay na relihiyon sa mga hindi nagsasagawa nito, sinasabi ng Bibliya: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Ang mga tao ay hindi pumipitas ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba?” (Mateo 7:16) Kung paanong makikilala mo sa bunga ang kaibahan ng puno ng ubas sa tinikang-palumpong, makikilala mo rin ang kaibahan ng tunay na relihiyon sa huwad na relihiyon sa mga bunga nito, o sa mga pagkakakilanlang ito.
Itinuturo ng tunay na relihiyon ang katotohanang mula sa Bibliya, at hindi mula sa pilosopiya ng tao. (Juan 4:24; 17:17) Kasali sa mga katotohanang ito ang tungkol sa kaluluwa at sa pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Awit 37:29; Isaias 35:5, 6; Ezekiel 18:4) Hindi rin ito nangingiming ilantad ang kasinungalingan ng mga relihiyon.—Mateo 15:9; 23:27, 28.
Tinutulungan ng tunay na relihiyon ang mga tao na makilala ang Diyos, kasali na ang pagtuturo sa kanila ng kaniyang pangalan, Jehova. (Awit 83:18; Isaias 42:8; Juan 17:3, 6) Hindi nito itinuturo na ang Diyos ay mahirap maunawaan o walang malasakit; sa halip, itinuturo nito na gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya.—Santiago 4:8.
Itinatampok ng tunay na relihiyon si Jesu-Kristo bilang ang isa na gagamitin ng Diyos para sa kaligtasan. (Gawa 4:10, 12) Sinisikap sundin ng mga tagasunod nito ang mga utos at halimbawang ipinakita ni Jesus.—Juan 13:15; 15:14.
Itinatampok ng tunay na relihiyon ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng tao. Aktibong ibinabalita ng mga tagasunod nito ang tungkol sa Kahariang iyon.—Mateo 10:7; 24:14.
Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang pag-ibig na walang hinihintay na kapalit. (Juan 13:35) Itinuturo nito ang paggalang sa lahat ng etnikong grupo at tinatanggap ang mga tao ng lahat ng lahi, kultura, wika, at pinagmulan. (Gawa 10:34, 35) Dahil sa pag-ibig, ang mga tagasunod nito ay hindi nakikipagdigma.—Mikas 4:3; 1 Juan 3:11, 12.
Ang tunay na relihiyon ay walang binabayarang klero at hindi nagbibigay ng mararangyang titulo sa mga ministro nito.—Mateo 23:8-12; 1 Pedro 5:2, 3.
Ang tunay na relihiyon ay neutral pagdating sa politika. (Juan 17:16; 18:36) Pero iginagalang at sinusunod ng mga tagasunod nito ang gobyernong nakasasakop sa kanila, kaayon ng utos ng Bibliya: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar [tumutukoy sa mga pamahalaan], ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Marcos 12:17; Roma 13:1, 2.
Ang tunay na relihiyon ay isang paraan ng pamumuhay, at hindi lang basta isang ritwal o pormalidad. Sinusunod ng mga tagasunod nito ang matataas na pamantayang moral ng Bibliya sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. (Efeso 5:3-5; 1 Juan 3:18) Pero hindi nila nadaramang hinihigpitan sila. Sa halip, nakadarama sila ng kagalakan sa pagsamba sa “maligayang Diyos.”—1 Timoteo 1:11.
Kakaunti lang ang mga kabilang sa tunay na relihiyon. (Mateo 7:13, 14) Ang mga tagasunod nito ay kadalasan nang minamaliit, tinutuya, at pinag-uusig dahil sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Mateo 5:10-12.
Ang tunay na relihiyon ay hindi lang basta ‘ang relihiyong bagay sa akin’
May panganib sa pagpili ng isang relihiyon batay lang sa pakiramdam natin. Inihula ng Bibliya ang panahon kung kailan ang mga tao ay “magtitipon ng mga [relihiyosong] guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.” (2 Timoteo 4:3) Pero hinihimok tayo ng Bibliya na umanib sa relihiyon na “malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama,” kahit pa ang relihiyong iyon ay hindi popular.—Santiago 1:27; Juan 15:18, 19.