Sasagutin ba ng Diyos ang mga Panalangin Ko?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. Ipinakikita ng Bibliya at ng mga karanasan na talagang sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang nasa ng mga may takot sa [Diyos] ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.” (Awit 145:19) Pero nakadepende rin sa iyo kung sasagutin ng Diyos ang panalangin mo.
Ang mahalaga sa Diyos
Pananalangin sa Diyos, hindi kay Jesus, Maria, sa mga santo, anghel, o mga imahen. Ang Diyos na Jehova lang ang “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
Pananalangin ayon sa kalooban, o kahilingan, ng Diyos na makikita sa Bibliya.—1 Juan 5:14.
Pananalangin sa pangalan ni Jesus, na nagpapakitang kinikilala mo ang kaniyang awtoridad. “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko,” ang sabi ni Jesus.—Juan 14:6.
Pagpapakita ng pananampalataya, at paghiling ng karagdagan nito kung kinakailangan.—Mateo 21:22; Lucas 17:5.
Pagiging mapagpakumbaba at taimtim. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba.”—Awit 138:6.
Pagiging matiyaga. Sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.”—Lucas 11:9.
Ang hindi mahalaga sa Diyos
Ang iyong lahi. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang iyong posisyon. Puwede kang manalangin sa Diyos nang nakaupo, nakayukod, nakaluhod, o nakatayo.—1 Cronica 17:16; Nehemias 8:6; Daniel 6:10; Marcos 11:25.
Pananalangin nang malakas o tahimik. Sinasagot ng Diyos kahit ang mga panalanging hindi naririnig ng iba.—Nehemias 2:1-6.
Kung mabigat man o magaan ang iyong problema. Pinasisigla ka ng Diyos na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:7.