Ano ang Hula?
Ang sagot ng Bibliya
Ang hula ay isang mensahe na mula sa Diyos, isang pagsisiwalat niya. Sinasabi ng Bibliya na ang mga propeta ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:20, 21) Kaya ang isang propeta ay isa na tumatanggap ng mensahe mula sa Diyos at inihahatid ito sa iba.—Gawa 3:18.
Paano tinanggap ng mga propeta ang impormasyon mula sa Diyos?
Iba’t ibang paraan ang ginamit ng Diyos para ihatid ang mga kaisipan niya sa kaniyang mga propeta:
Pagsulat. Ginamit ito ng Diyos nang ibigay niya kay Moises ang Sampung Utos na nakasulat na.—Exodo 31:18.
Pakikipag-usap sa pamamagitan ng mga anghel. Halimbawa, ginamit ng Diyos ang isang anghel para turuan si Moises tungkol sa mensaheng ihahatid niya kay Paraon ng Ehipto. (Exodo 3:2-4, 10) Kapag eksaktong pananalita ang kinakailangan, inuutusan ng Diyos ang mga anghel na idikta ang kaniyang mensahe, gaya ng ginawa niya nang sabihan niya si Moises: “Isulat mo ... ang mga salitang ito, sapagkat makikipagtipan ako sa iyo at sa Israel ayon sa mga salitang ito.”—Exodo 34:27. a
Pangitain. Kung minsan, ang mga ito ay ibinibigay habang ang propeta ay gising at may malay. (Isaias 1:1; Habakuk 1:1) Ang ilan ay napakalinaw anupat ang tumatanggap ay nakikibahagi rito. (Lucas 9:28-36; Apocalipsis 1:10-17) Kung minsan naman, ang mga pangitain ay tinatanggap samantalang nasa kawalan ng diwa ang isa. (Gawa 10:10, 11; 22:17-21) Inihahatid din ng Diyos ang kaniyang mensahe sa pamamagitan ng mga panaginip habang natutulog ang propeta.—Daniel 7:1; Gawa 16:9, 10.
Paggabay sa kaisipan. Ginabayan ng Diyos ang kaisipan ng kaniyang mga propeta upang ihatid ang mensahe niya. Iyan ang ibig sabihin ng pananalita sa Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Ang pananalitang “kinasihan ng Diyos” ay puwede ring isalin na “hiningahan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16; The Emphasised Bible) Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, upang “ihinga” ang mga ideya niya sa kaisipan ng kaniyang mga lingkod. Ang mensahe ay mula sa Diyos, pero ang propeta ang pumipili ng mga salita.—2 Samuel 23:1, 2.
Ang hula ba ay laging ang patiunang pagsasabi ng mga bagay na darating?
Hindi, ang hula sa Bibliya ay hindi lang ang patiunang pagsasabi ng mga bagay na darating. Gayunman, karamihan sa mga mensahe mula sa Diyos ay may kinalaman sa mangyayari sa hinaharap, kahit sa di-tuwirang paraan. Halimbawa, paulit-ulit na binabalaan ng mga propeta ng Diyos ang sinaunang mga Israelita tungkol sa kanilang masasamang lakad. Inilarawan ng mga babalang iyon ang mangyayaring mga pagpapala kung pakikinggan ng bayan ang babala, gayon din ang mangyayaring kapahamakan kung hindi sila susunod. (Jeremias 25:4-6) Ang aktuwal na mangyayari ay depende sa landasing piniling sundin ng mga Israelita.—Deuteronomio 30:19, 20.
Mga halimbawa ng hula sa Bibliya na walang kaugnayan sa mga prediksiyon
Minsan nang ang mga Israelita ay humingi ng tulong sa Diyos, isinugo niya ang isang propeta para ipaliwanag na dahil hindi nila sinunod ang utos ng Diyos, hindi Niya sila tinulungan.—Hukom 6:6-10.
Nang ang babaeng Samaritana ay kausapin ni Jesus, ibinunyag niya ang ilang bagay tungkol sa nakaraan nito na posible lang niyang malaman sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng Diyos. Kinilala ng babae na isang propeta si Jesus kahit na hindi ito bumigkas ng hula na mangyayari sa hinaharap.—Juan 4:17-19.
Sa paglilitis kay Jesus, tinakpan ng mga kaaway niya ang kaniyang mukha, hinampas siya, at pagkatapos ay sinabi: “Manghula ka. Sino ang humampas sa iyo?” Hindi nila pinahuhula kay Jesus ang mangyayari sa hinaharap kundi sinasabi nilang alamin niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos kung sino ang humampas sa kaniya.—Lucas 22:63, 64.
a Bagaman waring lumilitaw na tuwirang nakipag-usap dito ang Diyos kay Moises, ipinakikita ng Bibliya na ginamit ng Diyos ang mga anghel upang ihatid ang tipan ng Kautusang Mosaiko.—Gawa 7:53; Galacia 3:19.