Ang Kaharian ba ng Diyos ay Basta Nasa Puso Mo Lang?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang basta nasa puso ng mga Kristiyano. a Tinutukoy ng Bibliya kung nasaan ito sa pagsasabing ito ay “ang kaharian ng langit.” (Mateo 4:17, King James Version) Pansinin kung paano ipinakikita ng Bibliya na ito ay isang tunay na gobyerno na namamahala mula sa langit.
Ang Kaharian ng Diyos ay may mga tagapamahala, mamamayan, at batas. Isasakatuparan nito ang kalooban ng Diyos sa langit at sa lupa.—Mateo 6:10; Apocalipsis 5:10.
Ang gobyerno, o Kaharian, ng Diyos ay mamamahala sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika” ng lupa. (Daniel 7:13, 14) Ang awtoridad nito ay hindi galing sa mga mamamayan, kundi sa Diyos mismo.—Awit 2:4-6; Isaias 9:7.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na makakasama niya sila sa Kaharian ng langit para “makaupo sa mga trono.”—Lucas 22:28, 30.
May mga kaaway ang Kaharian, at pupuksain nito ang mga iyon.—Awit 2:1, 2, 8, 9; 110:1, 2; 1 Corinto 15:25, 26.
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang Kaharian ng langit ay nasa iyong puso sa diwa na namamahala ito sa puso ng isang tao. Gayunman, ipinakikita nito na ang “salita ng kaharian” o ang ‘mabuting balita ng kaharian’ ay maaari at dapat na makaapekto sa ating puso.—Mateo 13:19; 24:14.
Ano ang ibig sabihin ng “ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo”?
Dahil sa pagkakasalin ng ilang Bibliya sa Lucas 17:21, may mga nalilito kung nasaan talaga ang Kaharian. Halimbawa, binanggit ng King James Version na “ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo.” Para maunawaan ito nang tama, dapat nating alamin ang konteksto.
Kausap noon ni Jesus ang mga Pariseo, isang grupo ng mga lider ng relihiyon na kontra sa kaniya at nagsasabuwatan para ipapatay siya. (Mateo 12:14; Lucas 17:20) Makatuwiran bang isipin na ang Kaharian ay nasa kanilang mapagmatigas na puso? Sinabi sa kanila ni Jesus: “Sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.”—Mateo 23:27, 28.
Ganito ang tamang pagkakasalin ng ilang Bibliya sa sinabi ni Jesus sa Lucas 17:21: “Ang kaharian ng Diyos ay naritong kasama ninyo.” (Amin ang italiko; Contemporary English Version) “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Bagong Sanlibutan Salin) Ang Kaharian ng langit ay “kasama” o “nasa gitna” ng mga Pariseo, sa diwa na si Jesus, ang itinalaga ng Diyos bilang Hari, ay nakatayo sa harap nila.—Lucas 1:32, 33.
a Itinuturo ng maraming relihiyong Kristiyano na ang Kaharian ng Diyos ay nasa loob ng isang tao, o nasa kaniyang puso. Halimbawa, sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugan ng ... pamamahala ng Diyos sa ating puso.” Gayundin, binanggit ni Pope Benedict XVI sa kaniyang aklat na Jesus of Nazareth na “ang Kaharian ng Diyos ay dumarating sa isa na ang puso ay nakikinig.”