“Manampalataya Ka kay Jesus”—Sapat Na Ba ang Pananampalataya kay Jesus Para Maligtas?
Ang sagot ng Bibliya
Naniniwala ang mga Kristiyano na namatay si Jesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. (1 Pedro 3:18) Pero hindi ibig sabihin na maliligtas na tayo basta’t naniniwala tayo na si Jesus ang Tagapagligtas. Alam ng mga demonyo na si Jesus ang “Anak ng Diyos,” pero mapupuksa sila, hindi maliligtas.—Lucas 4:41; Judas 6.
Ano ang dapat kong gawin para maligtas?
Dapat kang maniwala na ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay para sa ating mga kasalanan. (Gawa 16:30, 31; 1 Juan 2:2) Kasama rito ang paniniwala na nabuhay talaga si Jesus at na ang lahat ng ulat ng Bibliya tungkol sa kaniya ay tama.
Alamin kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. (2 Timoteo 3:15) Mababasa sa Bibliya na sinabi ni apostol Pablo at ni Silas sa isang tagapagbilanggo: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka.” Pagkatapos, itinuro nila sa kaniya “ang salita ni Jehova.” a (Gawa 16:31, 32) Ipinapakita nito na hindi masasabing naniniwala ang tagapagbilanggo kay Jesus kung hindi niya nauunawaan ang Salita ng Diyos. Kailangan niya ng tumpak na kaalaman na kaayon ng Kasulatan.—1 Timoteo 2:3, 4.
Magsisi. (Gawa 3:19) Dapat mo ring pagsisihan, o ikalungkot, ang mga dati mong masamang ugali at maling ginawa. Makikita ng iba na talagang nagsisisi ka kung ihihinto mo ang mga gawain na ayaw ng Diyos at gagawa ka ng “mga gawang nagpapatunay sa . . . pagsisisi.”—Gawa 26:20.
Magpabautismo. (Mateo 28:19) Sinabi ni Jesus na babautismuhan ang mga magiging alagad niya. Ang tagapagbilanggo na binanggit kanina ay binautismuhan. (Gawa 16:33) At nang turuan ni apostol Pedro ang isang malaking grupo ng mga tao tungkol kay Jesus, “nabautismuhan ang mga masayang tumanggap sa sinabi niya.”—Gawa 2:40, 41.
Sundin ang mga utos ni Jesus. (Hebreo 5:9) Ipinapakita ng mga tagasunod ni Jesus na tinutupad nila “ang lahat ng iniutos” niya sa bawat bahagi ng buhay nila. (Mateo 28:20) Sila ay nagiging “tagatupad . . . ng salita at hindi tagapakinig lang.”—Santiago 1:22.
Magtiis hanggang sa wakas. (Marcos 13:13) Para maligtas, kailangan ng mga alagad ni Jesus ng pagtitiis. (Hebreo 10:36) Halimbawa, sinunod ni apostol Pablo ang lahat ng iniutos ni Jesus at naging tapat sa Diyos. At tiniis niya ang lahat ng bagay mula nang maging Kristiyano siya hanggang kamatayan.—1 Corinto 9:27.
Makakatulong ba ang “Panalangin ng Makasalanan”?
Ipinapanalangin ng ilang relihiyon ang “Panalangin ng Makasalanan” at “Panalangin sa Kaligtasan.” Kinikilala ng mga nananalangin nito na makasalanan sila, at naniniwala sila na namatay si Jesus para sa kanilang kasalanan. Hinihiling din nila na pumasok si Jesus sa kanilang buhay. Pero hindi natin mababasa sa Bibliya ang tungkol sa “Panalangin ng Makasalanan,” at hindi rin ito nagrerekomenda ng isang kinabisadong panalangin.
Iniisip ng ilan na kapag naipanalangin na nila ang “Panalangin ng Makasalanan,” sigurado na ang kaligtasan nila. Pero hindi tayo maililigtas ng isang panalangin. Dahil hindi tayo perpekto, lagi tayong nagkakamali. (1 Juan 1:8) Kaya itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na laging manalangin para sa kapatawaran ng kasalanan. (Lucas 11:2, 4) Isa pa, naiwala ng ilang Kristiyano ang kanilang pag-asang mabuhay magpakailanman dahil huminto na sila sa paglilingkod sa Diyos.—Hebreo 6:4-6; 2 Pedro 2:20, 21.
Saan nagmula ang “Panalangin ng Makasalanan”?
Iba-iba ang sinasabi ng mga istoryador tungkol sa pinagmulan ng “Panalangin ng Makasalanan.” Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong panahon ng Repormasyong Protestante. Naniniwala naman ang iba na nagsimula ito nang may mga nangyaring pagbabago sa relihiyon noong 1700’s at 1800’s. Anuman ang pinagmulan ng “Panalangin ng Makasalanan,” hindi ito kaayon ng Kasulatan. Ang totoo, kabaligtaran ito ng itinuturo ng Bibliya.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.