Ano ang Tanda ng “mga Huling Araw,” o “Katapusan ng Panahon”?
Ang sagot ng Bibliya
Inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari, kalagayan, at pag-uugali na magiging tanda ng “katapusan ng [kasalukuyang] sistema ng mga bagay,” o “katapusan ng mundo.” (Mateo 24:3; Magandang Balita Biblia) Tinatawag ng Bibliya ang panahong ito bilang “mga huling araw” at “panahon ng wakas,” o “katapusan ng panahon.”—2 Timoteo 3:1; Daniel 8:19; Magandang Balita Biblia.
Ano ang ilan sa mga hula ng Bibliya tungkol sa “mga huling araw”?
Inihula ng Bibliya ang mga pangyayaring sabay-sabay na magaganap bilang “tanda” ng mga huling araw. (Lucas 21:7) Tingnan ang ilang halimbawa:
Digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo. Inihula ni Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.” (Mateo 24:7) Inihula rin sa Apocalipsis 6:4 ang isang mangangabayo na kumakatawan o lumalarawan sa mga digmaan na ‘mag-aalis ng kapayapaan sa lupa.’
Taggutom. Inihula ni Jesus: “Magkakaroon ng taggutom.” (Mateo 24:7) Inihula rin sa aklat ng Apocalipsis ang isa pang makasagisag na mangangabayo na magdadala ng taggutom sa iba’t ibang panig ng mundo.—Apocalipsis 6:5, 6.
Malalakas na lindol. Sinabi ni Jesus na magkakaroon ng “lindol sa iba’t ibang lugar.” (Mateo 24:7; Lucas 21:11) Ang malalakas na lindol sa buong mundo ay magiging dahilan ng pagdurusa at kamatayan ng maraming tao na hindi pa nararanasan noon.
Sakit. Sinabi ni Jesus na magkakaroon ng mga epidemya ng “nakapangingilabot na mga sakit.”—Lucas 21:11, Contemporary English Version.
Krimen. Totoo, may mga nangyayari nang krimen noon pa man. Pero inihula ni Jesus na sa mga huling araw, ‘lalaganap ang kasamaan.’—Mateo 24:12.
Ipapahamak ang lupa. Inihula sa Apocalipsis 11:18 na ‘ipapahamak ng mga tao ang lupa.’ Bukod sa pagiging sakim at marahas, literal na ipinapahamak o sinisira ng mga tao ang lupa.
Pasama nang pasamang pag-uugali. Inihula sa 2 Timoteo 3:1-4 na karamihan sa mga tao ay magiging “walang utang na loob, di-tapat, . . . ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki.” Ang mga ugaling ito ay lalala pa nang lalala kaya tama lang na sabihing nabubuhay na tayo sa panahong “mapanganib at mahirap ang kalagayan.”
Hindi malapít sa isa’t isa ang pamilya. Inihula sa 2 Timoteo 3:2, 3, na darami ang mga taong “walang likas na pagmamahal” sa pamilya at ang mga anak ay magiging “masuwayin sa magulang.”
Walang pag-ibig sa Diyos. Inihula ni Jesus: “Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang pag-ibig ng mga tao sa Diyos. Ganiyan din ang sinasabi ng 2 Timoteo 3:4 na mangyayari sa mga huling araw—ang mga tao ay magiging “maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos.”
Nagkukunwaring relihiyoso. Inihula sa 2 Timoteo 3:5 na may mga taong magiging mukhang makadiyos pero hindi naman sumusunod sa mga pamantayan niya.
Malinaw na pagkaunawa sa mga hula sa Bibliya. Inihula sa aklat ng Daniel na sa “panahon ng wakas,” maraming tao ang lalo pang matututo ng mga katotohanan sa Bibliya, kasama na ang tamang pagkaunawa sa mga hula rito.—Daniel 12:4, talababa.
Pangangaral sa buong mundo. Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.”—Mateo 24:14.
Marami ang magwawalang-bahala at manunuya. Inihula ni Jesus na babale-walain ng karamihan ang napakaraming ebidensiya na napakalapit na ng wakas. (Mateo 24:37-39) Inihula rin sa 2 Pedro 3:3, 4 na may ilang manunuya at hindi talaga maniniwala kahit nakita na nila ang mga ebidensiya.
Lahat ng hula ay matutupad. Sinabi ni Jesus na nasa mga huling araw na tayo kung sabay-sabay nang natutupad ang lahat ng hulang ito, hindi lang ang ilan o ang karamihan sa mga ito.—Mateo 24:33.
Nasa “mga huling araw” na ba tayo?
Oo. Ipinapakita ng mga kalagayan ngayon sa mundo at ng kronolohiya ng Bibliya na nagsimula ang mga huling araw noong 1914, ang taon kung kailan nagsimula ang Digmaang Pandaigdig I. Talaga bang ipinapakita ng mga pangyayari sa mundo na nabubuhay na tayo sa mga huling araw? Para malaman ang sagot, panoorin ang video:
Noong 1914, nagsimulang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos. Isa sa mga unang ginawa nito ay palayasin sa langit si Satanas na Diyablo at ang mga demonyo at limitahan na lang sa lupa ang kanilang gawain. (Apocalipsis 12:7-12) Ang impluwensiya ni Satanas sa mga tao ay kitang-kita sa kanilang masamang pag-uugali at gawain, kaya naman naging “mapanganib at mahirap ang kalagayan” sa mga huling araw.—2 Timoteo 3:1.
Maraming tao ang alalang-alala sa mahirap na panahong ito. Iniisip nila na hindi na talaga magkakaisa ang mga tao. Iniisip pa nga ng ilan na darating ang panahon na magpapatayan ang mga tao.
Pero may mga tao pa rin na positibo kahit na apektado sila ng mahirap na kalagayan ng mundo. Naniniwala sila na malapit nang solusyunan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng problema ng mundo. (Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4) Matiyaga nilang hinihintay ang panahong tutuparin ng Diyos ang mga pangako niya. Umaasa sila sa sinabi ni Jesus: “Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.”—Mateo 24:13; Mikas 7:7.