Itinuturo Ba ng Bibliya na ‘Minsang Ligtas, Laging Ligtas’?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Ang doktrinang ‘minsang ligtas, laging ligtas’ ay wala sa Bibliya. Ang isang taong nagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo ay maaaring mawalan ng pananampalataya at ng kaligtasang dulot nito. Sinasabi ng Bibliya na para mapanatili ang pananampalataya, kailangan ang malaking pagsisikap, isang ‘puspusang pakikipaglaban.’ (Judas 3, 5) Ang mga sinaunang Kristiyanong tumanggap na kay Kristo ay pinayuhan: “Patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”—Filipos 2:12.
Mga teksto sa Bibliya na nagpapatunay na mali ang doktrinang ‘minsang ligtas, laging ligtas’
Nagbababala ang Bibliya laban sa malulubhang kasalanan na makahahadlang sa isa na makapasok sa Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11; Galacia 5:19-21) Kung ang kaligtasan ay permanente, hindi na magbibigay ng gayong mga babala ang Bibliya. Gayunman, ipinakikita nito na ang isang nailigtas na ay puwede pa ring mawalan ng kaligtasan kapag gumawa siya ng malubhang kasalanan. Halimbawa, sinasabi sa Hebreo 10:26: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan.”—Hebreo 6:4-6; 2 Pedro 2:20-22.
Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pananampalataya sa pamamagitan ng isang ilustrasyon. Ikinumpara niya ang kaniyang sarili sa isang punong ubas at ang kaniyang mga tagasunod naman bilang mga sanga ng punong ubas na iyon. Ang ilan sa mga tagasunod niya na nakapagpakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, o gawa, pero nang maglaon ay hindi na namunga ay ‘itatapong gaya ng isang [di-namumungang] sanga,’ sa gayo’y maiwawala ang kanilang kaligtasan. (Juan 15:1-6) Gumamit din si apostol Pablo ng katulad na ilustrasyon nang sabihin niyang ang mga Kristiyanong nawalan ng pananampalataya ay “tatagpasin.”—Roma 11:17-22.
Inutusan ang mga Kristiyano na “patuloy [na] magbantay.” (Mateo 24:42; 25:13) Ang mga natutulog sa espirituwal, ito man ay dahil sa “mga gawang nauukol sa kadiliman” o dahil sa hindi lubusang pagtupad sa mga gawang iniutos ni Jesus, ay mawawalan ng kaligtasan.—Roma 13:11-13; Apocalipsis 3:1-3.
Maraming teksto ang nagpapakitang ang mga nakaligtas na ay dapat pa ring magbata at manatiling tapat hanggang wakas. (Mateo 24:13; Hebreo 10:36; 12:2, 3; Apocalipsis 2:10) Natuwa ang mga Kristiyano noong unang siglo nang mabalitaan nilang nakapagbabata ang kanilang mga kapananampalataya. (1 Tesalonica 1:2, 3; 3 Juan 3, 4) Bakit pa idiriin ng Bibliya ang tapat na pagbabata kung makaliligtas din naman pala ang mga hindi nakapagbata?
Natiyak ni apostol Pablo ang kaniyang kaligtasan noon lamang malapit na siyang mamatay. (2 Timoteo 4:6-8) Bago nito, aminado siyang posible pa rin niyang maiwala ang kaligtasan kapag nagpadala siya sa pagnanasa ng laman. Sumulat siya: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.”—1 Corinto 9:27; Filipos 3:12-14.