Saan Ako Makakahanap ng Pag-asa?
Ang sagot ng Bibliya
Gusto tayong bigyan ng Diyos ng “magandang kinabukasan at pag-asa,” a ang sabi ng Bibliya. (Jeremias 29:11) At iyan ang isang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang Bibliya. Sinasabi dito na “may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas.” (Roma 15:4) Gaya ng makikita natin, matutulungan tayo ng mga payo sa Bibliya na maging positibo sa pang-araw-araw na buhay, at may mga pangako ito na magbibigay sa atin ng napakagandang pag-asa sa hinaharap.
Sa artikulong ito
Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na maging positibo?
Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang puwede nating gawin para gumanda ang buhay natin. Dahil dito, nagiging positibo tayo. Tingnan ang ilang halimbawa.
Magpagabay sa Bibliya. Sinasabi ng Awit 119:105: “Ang salita mo ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” Dalawang bagay ang maitutulong ng maliwanag na ilaw. Kaya nitong ilawan ang mismong nasa harapan natin at matutulungan tayo nitong makita ang mga bagay na nasa malayo. Ganiyan din ang Bibliya. Mayroon itong mga prinsipyo na makakatulong sa mga problemang kinakaharap natin sa ngayon, kaya naman nagiging positibo tayo sa araw-araw. Naibabalik ng mga turo ng Bibliya ang ating lakas at “nagpapasaya [ito] ng puso” natin. (Awit 19:7, 8) Kasabay niyan, ipinapakita ng Bibliya ang napakagandang layunin ng Diyos sa hinaharap para sa mga tao at sa lupa. Dahil sa pag-asang iyan, nagiging masaya tayo at kontento.
Magpatulong sa iba. Kapag parang wala nang pag-asa ang sitwasyon natin, baka lumayo tayo sa pamilya at mga kaibigan natin. Pero sinasabi ng Bibliya na huwag nating gawin iyan, kasi baka makagawa tayo ng maling desisyon. (Kawikaan 18:1) Matutulungan tayo ng mga mahal natin sa buhay na makapag-isip nang maayos. Baka may maisip din silang paraan na makakatulong sa atin na maharap ang sitwasyon. (Kawikaan 11:14) Kung hindi man, puwede pa rin nila tayong mapatibay at mapasaya para magkaroon tayo ng lakas na makapagtiis hanggang sa umayos ang mga bagay-bagay.—Kawikaan 12:25.
Manalangin sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya. Hindi niya kailanman hahayaang mabuwal ang matuwid.” b (Awit 55:22) Kaya naman tinatawag si Jehova na Diyos na “nagbibigay ng pag-asa.” (Roma 15:13) Puwede mong ipanalangin sa kaniya ang “lahat ng [iyong] álalahanín,” at makakaasa kang nagmamalasakit siya sa iyo. (1 Pedro 5:7) Ang totoo, sinasabi ng Bibliya: “Patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo, gagawin niya kayong matibay.”—1 Pedro 5:10.
Hayaang patibayin ng pagsubok ang pag-asa mo. Nangangako ang Bibliya: “Ang nakikinig sa [Diyos] ay mamumuhay nang panatag at hindi matatakot sa anumang kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Nang tamaan ng bagyo ang bahay ni Margaret na taga-Australia, nawala ang marami sa mga pag-aari niya. Pero imbes na ma-depress, nagpokus siya sa aral na natutuhan niya—madaling mawala ang materyal na mga pag-aari. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, naging mas determinado siyang magpokus sa mas mahahalagang bagay—ang pamilya at mga kaibigan niya, kaugnayan sa Diyos, at ang pag-asang nasa Bibliya.—Awit 37:34; Santiago 4:8.
Anong pag-asa ang ibinibigay ng Bibliya para sa lahat ng tao?
Nangangako ang Bibliya ng magandang kinabukasan para sa mga tao at sa lupa. At malapit nang matupad iyan. Pinapatunayan ng mga nangyayari ngayon sa mundo na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng sanlibutang ito. (2 Timoteo 3:1-5) Malapit nang kumilos ang Diyos para alisin ang kawalang-katarungan at mga pagdurusa sa lupa. Gagawin niya iyan sa pamamagitan ng isang pambuong-daigdig na gobyerno, na tinatawag na Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15) Ang gobyernong iyan sa langit ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya sa modelong panalangin: “Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo . . . sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Malinaw na sinasabi ng Bibliya kung ano ang gagawin ng Diyos para sa mga tao. Tingnan ang ilan sa mga problemang aalisin ng Kaharian ng Diyos:
Wala nang magugutom. “Ang lupa ay magbibigay ng ani nito.”—Awit 67:6.
Wala nang magkakasakit. “Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’”—Isaias 33:24.
Wala nang mamamatay. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata [ng mga tao], at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
a Inaasahan natin ang isang bagay kapag gusto natin iyon at naniniwala tayong posible nating makuha iyon. Umaasa din tayo kapag inaasam-asam natin ang isang bagay o may isang bagay na nagbibigay sa atin ng pag-asa.
b Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.