Itinuturo Ba ng Bibliya ang Reinkarnasyon?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi, hindi ito itinuturo ng Bibliya. Hindi lumilitaw sa Bibliya ang salitang “reinkarnasyon” ni ang ideyang ito. Ang paniniwala sa reinkarnasyon ay batay sa turo na imortal ang kaluluwa. a Pero itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa ay ang buong tao kung kaya masasabing mortal ang kaluluwa. (Genesis 2:7; Ezekiel 18:4) Kapag namatay ang isang tao, hindi na siya umiiral.—Genesis 3:19; Eclesiastes 9:5, 6.
Ano ang kaibahan ng reinkarnasyon sa pagkabuhay-muli?
Ang turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ay hindi batay sa imortalidad ng kaluluwa. Sa pagkabuhay-muli, ang mga taong namatay ay bubuhaying muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Mateo 22:23, 29; Gawa 24:15) Isa itong magandang pag-asa na muling mabubuhay ang mga patay sa paraisong lupa kasama ang pag-asang manatiling buháy magpakailanman.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
Mga maling akala tungkol sa reinkarnasyon at sa Bibliya
Maling akala: Sinasabi ng Bibliya na si Juan Bautista ang reinkarnasyon ni propeta Elias.
Ang totoo: Inihula ng Diyos: “Isinusugo ko sa inyo si Elias na propeta,” at sinabi ni Jesus na natupad kay Juan Bautista ang hulang ito. (Malakias 4:5, 6; Mateo 11:13, 14) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na si Juan Bautista ay reinkarnasyon ni Elias. Sinabi mismo ni Juan na hindi siya si Elias. (Juan 1:21) Sa halip, ginampanan ni Juan ang isang gawaing tulad ng ginawa ni Elias, ang pagpapahayag ng mensahe ng Diyos na magsisi ang mga tao. (1 Hari 18:36, 37; Mateo 3:1, 2) Ipinakita rin ni Juan na siya ay “malakas at makapangyarihang gaya ni propeta Elias.”—Lucas 1:13-17, Good News Translation.
Maling akala: Sa Bibliya, ang reinkarnasyon ay ang pagiging “ipinanganak muli” o “born again.”
Ang totoo: Ipinakikita ng Bibliya na ang taong ipinanganganak muli ay sumasailalim ng espirituwal na muling pagsilang at nangyayari ito habang buháy pa siya. (Juan 1:12, 13) Hindi ito resulta ng mga ginawa niya noong nakaraan, kundi isang pagpapala mula sa Diyos, anupat binibigyan siya ng isang natatanging pag-asa para sa hinaharap.—Juan 3:3; 1 Pedro 1:3, 4.
a Ang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa at sa reinkarnasyon ay nagmula sa sinaunang Babilonya. Nang maglaon, binuo ng mga pilosopo sa India ang doktrina ng Karma. Ayon sa Britannica Encyclopedia of World Religions, ang Karma ay “ang batas ng sanhi at epekto, na nagsasabing ang ginagawa ng isa sa kasalukuyang buhay ay may epekto sa susunod na buhay.”—Pahina 913.