Totoo Ba ang Impiyerno? Ano ang Impiyerno Ayon sa Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Sa ilang bersiyon ng Bibliya, isinalin ang salitang Hebreo na “Sheol,” ang salitang Griego na “Hades,” bilang “impiyerno,” at sa ibang bersiyon naman isinalin itong libingan. (Awit 16:10; Gawa 2:27 a) Gaya ng artwork tungkol sa mga turo ng relihiyon na makikita sa artikulong ito, maraming tao ang naniniwala na ang impiyerno ay isang maapoy na lugar kung saan pinaparusahan ang masasama. Pero iyan ba ang itinuturo ng Bibliya?
Sa artikulong ito
Ang impiyerno ba ay isang lugar ng walang-hanggang pagpapahirap?
Hindi. Ang orihinal na mga salita na isinaling “impiyerno” sa ilang mas lumang salin ng Bibliya (Hebreo, “Sheol”; Griego, “Hades”) ay tumutukoy lang sa “Libingan,” o ang karaniwang libingan ng mga tao. Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong nasa “Libingan” ay hindi na umiiral.
Ang mga patay ay wala nang alam o malay, kaya hindi na rin sila nasasaktan. “Walang gawa, ni katuwiran, ni karunungan, ni kaalaman man, ang mapupunta sa impiyerno.” (Eclesiastes 9:10, Douay-Rheims Version) Ang impiyerno ay hindi punô ng mga taong dumaraing dahil sa sakit. Sa halip, ang sabi ng Bibliya: “Hiyain mo ang masasamang tao at pahimlayin mo silang tahimik sa libingan [impiyerno, Douay-Rheims].”—Awit 31:17; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino (30:18, Douay-Rheims); Awit 115:17.
Sinabi ng Diyos na kamatayan, hindi pagpapahirap sa maapoy na impiyerno, ang parusa sa kasalanan. Sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan, na ang parusa sa pagsuway sa batas ng Diyos ay kamatayan. (Genesis 2:17) Wala siyang sinabi tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap sa impiyerno. Nang magkasala si Adan, sinabi ng Diyos ang parusa sa kaniya: “Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Ibig sabihin, hindi na iiral si Adan. Kung talagang sa isang maapoy na impiyerno ilalagay ng Diyos si Adan, siguradong iyon ang sasabihin Niya. Hindi binago ng Diyos ang parusa sa sumusuway sa mga batas niya. Pagkalipas ng mahabang panahon mula nang magkasala si Adan, ipinasulat ng Diyos sa isang manunulat ng Bibliya: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Hindi na kailangan ng karagdagang parusa, dahil “ang taong namatay ay napawalang-sala na.”—Roma 6:7.
Ang ideya ng walang-hanggang pagpapahirap ay kasuklam-suklam sa Diyos. (Jeremias 32:35) Kabaligtaran ito ng itinuturo ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Gusto niya na sambahin natin siya dahil mahal natin siya at hindi dahil sa takot sa walang-hanggang pagpapahirap.—Mateo 22:36-38.
Napunta sa impiyerno ang mabubuting tao. Ayon sa mga Bibliya na gumamit ng salitang “impiyerno,” inaasahan ng mga tapat na lalaking gaya nina Jacob at Job na mapupunta sila sa impiyerno. (Genesis 37:35; Job 14:13) Kahit si Jesu-Kristo, sinabing napunta sa impiyerno noong namatay siya hanggang noong buhayin siyang muli. (Gawa 2:31, 32) Maliwanag, kapag ginagamit ang salitang “impiyerno” sa mga Bibliyang ito, tumutukoy lang ito sa Libingan. b
Ano ang ibig sabihin ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro?
Ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito na mababasa sa Lucas 16:19-31. Ang mga ilustrasyon o talinghaga ay nagtuturo ng mga pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay at ng mahahalagang katotohanan. Hindi totoong pangyayari ang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro. (Mateo 13:34) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Sino ang Taong Mayaman at si Lazaro?”
Ang impiyerno ba ay pagiging nakahiwalay sa Diyos?
Hindi. Salungat sa turo ng Bibliya ang doktrina na alam ng mga patay na nakahiwalay sila sa Diyos. Kasi, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang alam.—Awit 146:3, 4; Eclesiastes 9:5.
May nakalaya na ba mula sa impiyerno?
Oo. Siyam na tao ang iniulat sa Bibliya na napunta sa Libingan (isinaling “impiyerno” sa ilang Bibliya) at binuhay-muli. c Kung alam nila ang nangyayari sa kanila sa impiyerno, ikinuwento na sana nila ang mga naranasan nila. Pero walang kahit isa sa kanila ang nagkuwento na pinahirapan sila o may naranasan silang anuman. Bakit? Kasi gaya ng itinuturo ng Bibliya, wala silang alam noong panahong patay sila, na para bang “natutulog” sila nang mahimbing.—Juan 11:11-14; 1 Corinto 15:3-6.
a Karamihan ng makabagong translation sa Tagalog ay hindi gumagamit ng salitang “impiyerno” sa Gawa 2:27. Sa halip, ang ginagamit ng ilan ay “libingan,” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino); “daigdig ng mga patay” (Magandang Balita Biblia). Tinumbasan naman ng ilan ng transliterasyon na “Hades” ang orihinal na salitang Griego.—Ang Biblia.
b Tingnan ang kahong “ Mga Salita sa Orihinal na Wika ng Bibliya.”