TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Turuan ang Inyong mga Anak na Maging Mapagpasalamat
Ayon sa pag-aaral, ang mga taong mapagpasalamat ay mas masaya, mas malusog, mas nakakayanan ang mga problema sa buhay, at mas may mabubuting kaibigan. Sinabi ng mananaliksik na si Robert A. Emmons na ang pagiging mapagpasalamat ay “nakakatulong sa isang tao na makaiwas sa nakakasamang mga emosyon gaya ng inggit, hinanakit, kasakiman, at sama ng loob.” a
Paano nakakatulong sa mga bata ang pagiging mapagpasalamat? Sa isang apat-na-taóng pag-aaral sa 700 kabataan, ang mga mapagpasalamat ay mas malamang na hindi mandaya sa exam, mag-drugs, maging lasenggo, o magkaroon ng mga ugaling nakakasamâ sa kanila o sa iba.
Hindi nagiging mapagpasalamat ang nag-iisip na karapat-dapat siya sa natatanggap niya. Iniisip ng maraming bata na dapat lang ibigay sa kanila ang mabubuting bagay na natatanggap nila. Hindi nararamdaman ng isa na kailangan niyang magpasalamat kung iniisip niyang dapat lang niyang matanggap ang isang bagay imbes na ituring itong regalo.
Ganiyan mag-isip ang marami sa ngayon. “Itinuturo sa mga tao na dapat lang nilang makuha ang lahat ng gusto nila,” ang sabi ng nanay na si Katherine. “Pinapaulanan tayo ng media ng mga larawan ng lahat ng bagay na dapat lang nating matanggap at sinasabi nito na tayo ang dapat na unang makakuha ng mga iyon.”
Puwedeng matutuhan ng mga bata ang pagiging mapagpasalamat. Sinabi ng nanay na si Kaye: “Madaling turuan ang mga bata. Ang pagtuturo sa kanila ng magagandang asal habang bata pa sila ay parang paglalagay ng tukod sa halaman para lumaki itong tuwid.”
Kung paano ito ituturo
Ituro ang sasabihin. Kahit bata pa lang, puwede na silang matutong magsabi ng “salamat po” kapag may nagregalo o nagpakita ng kabutihan sa kanila. Habang lumalaki sila, lalo nilang mapapahalagahan ang pagkabukas-palad ng iba.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.”—Colosas 3:15.
“Sanay na sanay nang magsabi ng ‘thank you po’ ang tatlong-taóng-gulang na apo namin, at kapag may hinihiling siya, laging may ‘please.’ Natutuhan niya iyan sa mga magulang niya. Dahil sa magandang ugali nila at laging pagsasabi ng salamat, natuto siyang maging mapagpasalamat.”—Jeffrey.
Ituro ang gagawin. Puwede ninyong turuan ang inyong mga anak na gumawa ng thank-you card sa susunod na may magregalo sa kanila. At kung bibigyan ninyo sila ng gawaing-bahay, matutulungan ninyo silang makita na marami palang dapat gawin para maging maayos ang tahanan.
Prinsipyo sa Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
“Tumutulong ang dalawang tin-edyer namin sa pagpaplano ng kakainin ng pamilya, pagluluto, at mga gawaing-bahay. Kaya nakikita nila kung gaano kahirap ang pagiging magulang at mas napapahalagahan nila ang mga ginagawa namin.”—Beverly.
Ituro ang tamang ugali. Lumalago ang halaman sa matabang lupa. Sa katulad na paraan, mas nagiging mapagpasalamat ang isang tao kapag mapagpakumbaba siya. Alam niyang kailangan niya ng tulong para magtagumpay sa mga gagawin niya, kaya talagang nagpapasalamat siya sa suportang ibinibigay ng iba sa kaniya.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo, habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:3, 4.
“Minsan may nilalaro kami kapag kumakain. Isa-isa kaming nagsasabi ng mga ipinagpapasalamat namin. Kaya imbes na negatibo o pansarili lang ang nasa isip namin, nagiging positibo kami at mapagpasalamat.”—Tamara.
Tip: Magpakita ng magandang halimbawa. Mas matututong maging mapagpasalamat ang mga bata kung lagi nila kayong naririnig na nagpapasalamat sa iba—at sa kanila.
a Mula sa aklat na Thanks! How Practicing Gratitude Can Make You Happier.