MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Gatas ng Ina
“Kahit kailan, hinding-hindi magagaya ng mga formula milk ang gatas na galing sa tao,” ang sabi ng isang aklat para sa mga midwife. Tamang-tama ang gatas ng ina para sa baby niya dahil binabago ito ng katawan niya depende sa pangangailangan ng anak niya.
Pag-isipan ito: Tuwing nagpapasuso ang ina, nagbabago ang gatas niya. Sa umpisa, mas maraming protein, vitamin, mineral, at tubig ang gatas. Tapos, bago matapos ang pagpapasuso, mas marami na ang fat kaya nabubusog na ang baby. Nagbabago rin ang gatas ng ina depende sa edad ng bata at sa panahon.
Nagbabago rin ang dami ng ilang hormone sa gatas ng ina. Halimbawa, kapag gabi, mas dumarami ang hormone na melatonin. At sa umaga naman, mas dumarami ang ibang hormone. Nakakatulong ang mga pagbabagong ito para manatiling gising o para antukin ang baby. Dahil dito, nade-develop ang sleeping pattern niya.
Ilang araw pagkatapos manganak, nagpo-produce ang ina ng madilaw na gatas na tinatawag na colostrum. Madali itong i-digest at punong-puno ng nutrient. Kaya kahit kaunting colostrum lang, malaki na ang maitutulong nito sa baby. Napakarami rin nitong antibody na tumutulong para maprotektahan ang baby laban sa mga infection. Nakakatulong din ang colostrum sa digestive system ng baby para mapadumi ito.
Kahit kambal pa ang anak ng isang ina, hindi siya dapat mag-alala na baka maubusan siya ng gatas, kusa kasing dumarami ang gatas niya depende sa kailangan.
Ano sa palagay mo? Ang gatas ba ng ina ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?