Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Dapat Ba Akong Magpatato?

Dapat Ba Akong Magpatato?

 Bakit nakakaengganyo?

“Nagagandahan ako sa ilang tato, para itong sining,” ang sabi ng kabataang si Ryan.

Maaaring makaapekto ang motibo mo sa iyong desisyong magpatato. Halimbawa, sinabi ng tin-edyer na si Jillian: “Bata pa ang kaeskuwela ko noong mamatay ang nanay niya. Kaya nang magtin-edyer siya, ipinatato niya sa batok niya ang pangalan ng nanay niya. Napaka-sweet no’n.”

Anuman ang motibo mo, mag-isip ka munang mabuti bago ka magpatato! Ano ang mga dapat mong pag-isipan bago ka magpatato? Anong mga simulain sa Bibliya ang makakatulong para makapagdesisyon ka nang tama?

 Ano ang mga dapat mong malaman?

Ano ang mga panganib sa kalusugan? “Nasusugatan ang balat kapag nagpapatato, kaya posibleng maimpeksiyon ito at magkaroon ng komplikasyon,” ang sabi ng website na Mayo Clinic. “Minsan, may mga butlig na tinatawag na granuloma na tumutubo sa paligid ng tato. Puwede ring magka-keloid—nakaumbok na peklat—kapag nagpatato.” Idinagdag pa ng website: “Kung ang mga kasangkapang ginamit sa pagtatato ay kontaminado ng dugo, puwede kang mahawa ng iba’t ibang sakit na nakukuha sa dugo.”

Ano ang epekto nito sa iyong reputasyon? Hindi mo kontrolado ang impresyon ng ibang tao sa hitsura mo. Makikita sa iyong hitsura kung matured ka o hindi, kung maaasahan ka o iresponsable. “Kapag nakakakita ako ng taong may tato, naiisip ko agad na mahilig siyang uminom at mag-party,” ang sabi ng kabataang si Samantha.

Ganito naman ang sabi ni Melanie, 18 taóng gulang: “Para sa akin, natatakpan ng tato ang tunay mong kagandahan. Para kasing ayaw ipakita ng mga may tato ang tunay nilang pagkatao, kaya itinatago nila ang kanilang sarili sa tato.”

Gusto mo pa rin kaya ito paglipas ng panahon? Kapag tumaba ang isa o nagkaedad, maaaring mabanat o kumulubot ang balat at magbago ang hitsura ng tato. “Nakakita na ako ng tato na pagkalipas ng maraming taon, pumangit na,” ang sabi ng kabataang si Joseph.

“Ang tato ay madalas na napaglilipasan ng panahon,” ang sabi ng 21-anyos na si Allen. “Ang mga bagay na dating mahalaga sa nagpatato ay posibleng hindi na mahalaga sa kaniya pagkalipas ng ilang taon.”

Maganda ang sinabi ni Allen. Ang totoo, habang nagkakaedad ang isa, ang pananaw, hilig, pati na ang pinipili niyang mahalin ay nagbabago—pero ang tato ay permanente. “Ayokong idagdag sa listahan ng mga pagsisisihan ko balang-araw ang tato na magpapaalala lang sa akin ng padalos-dalos na desisyon ko,” ang sabi ng kabataang si Teresa.

 Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Pinag-iisipang mabuti ng taong matured ang mga bagay-bagay bago magpasiya. (Kawikaan 21:5; Hebreo 5:14) Kaya pag-isipan ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya may kinalaman sa pagpapatato.

  • Colosas 3:20: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.”

    Ano ang posibleng maging resulta kapag hindi mo sinusunod ang iyong mga magulang habang nasa poder ka pa nila?

  • 1 Pedro 3:3, 4: “Ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.”

    Bakit kaya sinasabi ng Bibliya na mas mahalaga ang “lihim na pagkatao ng puso”?

  • 1 Timoteo 2:9: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng . . . kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”

    Ano ang kahulugan ng salitang “kahinhinan”? Bakit mas nagiging kaakit-akit ang pagkakaroon ng kahinhinan kaysa sa pagkakaroon ng tato kahit lumipas pa ang panahon?

  • Roma 12:1: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”

    Bakit mahalaga sa Diyos kung ano ang ginagawa mo sa iyong katawan?

Dahil sa mga simulaing ito, marami ang nagpasiyang hindi magpatato. Sa katunayan, nakita nilang may mas mahalaga kaysa sa pagpapatato. Ayon kay Teresa na nabanggit kanina: “Kung may kasabihan o islogan na gustong-gusto mo o isang tao na mahalaga sa iyo, isabuhay mo ang kasabihang iyon o sabihin mo sa taong iyon kung gaano siya kahalaga sa iyo. Imbes na ipatato mo ang pinaniniwalaan mo, ipakita mo ito sa gawa.”