Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Mababadyet ang Oras Ko?

Paano Ko Mababadyet ang Oras Ko?

 Bakit mo kailangang ibadyet ang oras mo?

  • Ang panahon ay parang pera. Kapag sinayang mo ito, hindi mo na ito mababawi. Pero kapag binadyet mo ang oras mo, may panahon kang gawin ang mga bagay na nae-enjoy mo!

    Simulain sa Bibliya: “Ang tamad ay nagnanasa, ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman. Gayunman, ang kaluluwa ng mga masikap ay patatabain.”—Kawikaan 13:4.

    Tandaan: Kapag binadyet mo ang oras mo, mas marami kang magagawa.

  • Kung sanay ka nang magbadyet ng oras ngayon pa lang, malaking tulong ito sa iyo kapag adulto ka na. Puwede ka pa ngang tumagal sa trabaho mo dahil diyan. Tutal, kung may negosyo ka, gusto mo ba ng empleadong palaging late?

    Simulain sa Bibliya: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami.”—Lucas 16:10.

    Tandaan: Makikita ang katapatan natin sa paraan ng paggamit natin ng panahon.

Totoo, hindi madaling magbadyet ng oras. Tingnan ang ilang bagay na puwedeng maging problema.

Problema #1: Kaibigan

“Kapag niyayaya ako ng mga kaibigan ko, madalas ko silang pagbigyan, kahit napaka-busy ko. Iniisip ko, ‘Kaya ko namang madaliin y’ong ginagawa ko pag-uwi.’ Pero minsan, hindi ko natatapos, kaya nagkakaproblema ako.”—Cynthia.

Problema #2: Pang-abala

“Ang TV ay parang vacuum cleaner. Para kang hinihigop nito kasi hindi mo maiwan-iwan y’ong pinapanood mong palabas o pelikula.”—Ivy.

“Andami kong nasasayang na oras sa pagta-tablet. Nakaka-guilty nga, e, kasi titigil lang ako kapag patay na y’ong battery ko.”—Marie.

Problema #3: Pagpapaliban

“Hindi ko ginagawa agad ang mga assignment ko at y’ong iba pang kailangan kong gawin. Nauubos ang oras ko sa mga walang-kuwentang bagay, kaya kailangan ko tuloy madaliin ang assignment ko. Hindi talaga ako marunong magbadyet ng oras.”—Beth.

Kapag binadyet mo ang oras mo, mas marami kang magagawa

 Ang puwede mong gawin

  1. Ilista ang mga dapat mong gawin. Kasama diyan ang mga gawain sa bahay at ang mga assignment mo. Isulat mo kung gaano karaming panahon ang kailangan mo para matapos ang mga iyon.

    Simulain sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.”—Filipos 1:10.

  2. Ilista ang mga gusto mong gawin sa libre mong panahon. Baka kasama diyan ang social networking at panonood ng TV. ’Tapos, isulat mo rin kung gaano karaming panahon ang nagagamit mo sa mga iyon.

    Simulain sa Bibliya: “Patuloy na lumakad na may karunungan . . . , na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.”—Colosas 4:5.

  3. Magplano. Tingnan mo ulit ang dalawang listahang ginawa mo. Sapat ba ang panahong inilagay mo para sa mga gagawin mong importante? Kailangan mo bang bawasan ang oras mo sa paglilibang?

    Tip: Gumawa ng listahan ng mga gagawin mo sa buong araw, at lagyan mo ng check ang mga natatapos mo.

    Simulain sa Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan,” o magtatagumpay.—Kawikaan 21:5.

  4. Gawin ang pinlano mo. Para matapos mo ang dapat mong gawin, baka kailangan mong tumanggi kapag niyaya ka ng mga kaibigan mo. Pero kapag inuna mo ang mahahalagang bagay, makikita mong may panahon ka pa para sa ibang bagay—at mas mae-enjoy mo ito.

    Simulain sa Bibliya: “Huwag magmakupad sa inyong gawain.”—Roma 12:11.

  5. Mag-relax—pero maging balanse. “Minsan, kapag nakatapos ako ng dalawa sa listahan ng mga gagawin ko,” ang sabi ng kabataang si Tara, “maiisip ko, ‘Ayos! Puwede na akong manood ng TV kahit 15 minutes, at saka ko na gagawin y’ong iba pang kailangan kong gawin.’ ’Tapos, y’ong 15 minutes, nagiging 30, at y’ong 30 minutes, nagiging isang oras, hanggang sa magulat na lang ako na nakadalawang oras na pala ako sa panonood!”

    Ang solusyon? Isiping ang paglilibang ay reward mo sa sarili kapag natapos mo na ang mga kailangan mong gawin.

    Simulain sa Bibliya: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang . . . magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”—Eclesiastes 2:24.