Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Tatanggihan ang Pressure na Makipag-sex?

Paano Ko Tatanggihan ang Pressure na Makipag-sex?

 “Noong nag-aaral pa ’ko, kapag may nagkuwentong nakipag-sex na siya, nape-pressure ang iba na makipag-sex din. Kasi ayaw nilang mapag-iwanan.”—Elaine, 21.

 Nape-pressure ka bang makipag-sex dahil parang ginagawa naman ito ng lahat?

 Nape-pressure ka bang makipag-sex dahil pinipilit ka ng isang taong mahal mo na gawin ito?

 Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito na tanggihan ang pressure na makipag-sex—pinipilit ka man ng iba o ikaw mismo ang natutuksong gumawa nito.

 Mga maling akala at ang totoo

 MALING AKALA: Nakikipag-sex na ang lahat (ako na lang ang hindi).

 ANG TOTOO: Ayon sa isang survey, dalawa sa tatlong kabataan na ang edad ay 18 ang umaming nakipag-sex na sila. Pero ibig sabihin din niyan, malaking bilang ng mga kabataan—mahigit 30 porsiyento—ang hindi pa nakipag-sex. Kaya hindi “lahat” ay nakikipag-sex.

 MALING AKALA: Mapapatibay ng sex ang relasyon namin.

 ANG TOTOO: Iyan ang katuwiran ng ilang lalaki para mapilit ang mga babae na makipag-sex sa kanila, pero hindi iyan totoo. Madalas, nakikipag-break na ang lalaki kapag nakipag-sex na sa kaniya ang isang babae—ikakagalit naman ito ng babae, dahil akala niya seryoso sa kaniya ang lalaki at mahal siya nito. a

 MALING AKALA: Ipinagbabawal ng Bibliya ang sex.

 ANG TOTOO: Hindi sinasabi ng Bibliya na masama ang sex. Pero sinasabi ng Bibliya na para lang ito sa isang lalaki at babae na mag-asawa.—Genesis 1:28; 1 Corinto 7:3.

 MALING AKALA: Magiging malungkot ang buhay ko kapag sinunod ko ang Bibliya.

 ANG TOTOO: Kung hihintayin mong makapag-asawa ka bago makipag-sex, magiging mas masaya ka kasi hindi ka mag-aalala, wala kang pagsisisihan, at hindi ka mai-insecure, na karaniwang nararamdaman ng mga nakipag-sex nang di-kasal.

 Tandaan: Wala pang taong nasaktan dahil naghintay siyang makapag-asawa bago makipag-sex. Pero marami na ang nasira ang buhay dahil nakipag-sex sila bago sila mag-asawa.

 Kung paano tatanggihan ang pressure na makipag-sex

  •   Patibayin ang paninindigan mo sa kung ano ang tama at mali. Sinasabi ng Bibliya na ginagamit ng mga taong mature ang “kanilang kakayahang umunawa, [at] sinanay nila itong makilala ang tama at mali.” (Hebreo 5:14) May paninindigan sila at hindi sila madaling madala ng pressure.

     “Talagang sinisikap ko na gawin ang tama at magkaroon ng magandang reputasyon, at iniiwasan kong malagay sa sitwasyon na puwede kong maiwala iyon.”—Alicia, 16.

     Pag-isipan: Ano ang gusto mong maging tingin sa iyo ng iba? Sulit bang maiwala ang reputasyong iyon para lang makuha ang pabor ng iba?

  •   Isipin ang masasamang resulta. Sinasabi ng Bibliya: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Isipin ang magiging epekto sa buhay mo—at sa buhay niya—kung magpapadala ka sa pressure na makipag-sex. b

     “Ang mga nakikipag-sex nang di-kasal ay kadalasan nang nakokonsensiya at nagsisisi. Baka maramdaman pa nga nilang walang nagmamahal sa kanila. Hindi pa kasama diyan ang posibilidad na mabuntis nang hindi inaasahan o mahawa ng mga sakit na naipapasa dahil sa sex.”—Sienna, 16.

     Pag-isipan: Ganito ang sinasabi ng aklat na Sex Smart: “Kung pinipilit ka ng mga kaibigan mo na gumawa ng mga bagay na sisira sa buhay mo, sila ba talaga ang mga taong gusto mong makasama at mahingan ng payo tungkol sa mahahalagang bagay sa buhay?”

  •   Magkaroon ng tamang pananaw. Hindi masama ang sex. Ang totoo, ipinapakita ng Bibliya na dapat masiyahan dito ang mga mag-asawa.—Kawikaan 5:18, 19.

     “Magandang bahagi ng paglalang ang sex. Gusto ng Diyos na masiyahan ang tao dito, pero sa ilalim lang ng kaayusan ng pag-aasawa.”—Jeremy, 17.

     Pag-isipan: Kapag nag-asawa ka na, masisiyahan ka sa regalong ito, ang sex, nang hindi nag-aalala sa masasamang resulta na binanggit kanina.

a Hindi lang mga lalaki ang gumagawa nito. May mga babae rin na pinipilit ang mga lalaki na makipag-sex sa kanila.

b Kasama sa masasamang resulta ang di-inaasahang pagbubuntis. At depende sa edad ng dalawang sangkot, puwede ring makasuhan ang isang tao kung nakipag-sex siya sa isang menor de edad.