TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Haharapin ang Pagbibinata o Pagdadalaga?
“Hindi nakakatuwa para sa mga batang babae ang pagdadalaga. Masakit ito, marumi, nakakalito—parang lahat na lang ng tungkol do’n ay pangit!”—Oksana.
“Minsan ang saya-saya ko, ’tapos mayamaya lang, malungkot na. Hindi ko alam kung normal ’yan sa mga lalaki, pero nangyari ito sa akin.”—Brian.
Ang panahon ng puberty (pagbibinata o pagdadalaga) ay parang pagsakay sa roller coaster—exciting pero nakakatakot! Paano mo ito haharapin?
Ano ang puberty?
Sa simpleng pananalita, ang puberty ay isang panahon sa buhay mo kung kailan mabilis kang daranas ng pisikal at emosyonal na pagbabago hanggang sa maging adulto ka. Sa panahong ito, mabilis na nagbabago ang pisikal na katawan mo at mga hormone na maghahanda sa iyo para sa pag-aanak.
Hindi naman ibig sabihin nito na handa ka nang maging magulang. Sa halip, ang puberty ay isang tanda na hindi ka na bata—isang katotohanan na maaaring panabikan mo at ikalungkot.
Quiz: Sa palagay mo, sa anong edad normal na nagsisimula ang puberty?
8
9
10
11
12
13
14
15
16
Sagot: Lahat ng ito ay itinuturing na normal na edad kung kailan puwedeng magsimula ang puberty.
Kaya hindi ka dapat masyadong mag-alala kung hindi ka pa nakararanas ng puberty kahit nasa kalagitnaan ka na ng pagiging tin-edyer—o nakararanas ka na nito kahit wala ka pang 10. Ang puberty ay may sariling timetable na hindi mo kontrolado.
Pisikal na pagbabago
Malamang na ang pinakakapansin-pansing pagbabago sa panahon ng puberty ay ang biglang paglaki. Ang problema, hindi sabay-sabay ang paglaki ng iba’t ibang bahagi ng katawan mo. Kaya huwag kang magulat kung nagiging medyo kakatwa ang mga kilos mo, magiging balanse rin ang mga bagay-bagay.
Iba pang pisikal na pagbabago sa panahon ng puberty.
Pagbibinata:
Paglaki ng ari
Pagtubo ng buhok sa kilikili, ari, at mukha
Pagbabago ng boses
Paninigas ng ari at wet dreams
Pagdadalaga:
Paglaki ng dibdib
Pagtubo ng buhok sa kilikili at ari
Menarche (unang regla)
Puberty sa lalaki’t babae:
Pagkakaroon ng amoy sa katawan dahil sa pawis at baktirya.
Tip: Makokontrol mo ang pagkakaroon ng amoy sa katawan kung madalas kang maliligo at gagamit ng deodorant o antiperspirant.
Taghiyawat dahil sa baktiryang na-trap sa mga oil gland.
Tip: Hindi madaling makontrol ang taghiyawat, pero makatutulong ang madalas na paghihilamos at paggamit ng skin cleanser.
Emosyonal na pagbabago
Ang biglang pagbabago sa mga hormone na nagdudulot ng pisikal na pagbabago sa panahon ng puberty ay puwedeng makaapekto sa iyong emosyon. Baka nga makaranas ka pa ng pabago-bagong mood.
“Minsan iyak ka nang iyak, ’tapos kinabukasan okey ka na. Minsan naman galít ka, ’tapos bigla ka na lang magkukulong sa kuwarto kasi nadedepres ka.”—Oksana.
Sa panahon ng puberty, maraming kabataan din ang nagiging masyadong conscious, pakiramdam nila, lahat ay nakatingin sa kanila at hinuhusgahan sila. Dagdag pa rito ang mabilis na pagbabago ng hitsura nila.
“Nang magsimula akong lumaki, sinasadya kong humukot at magsuot ng malalaking t-shirt. Alam ko namang nagbabago na ang katawan ko, pero asiwang-asiwa ako at hiyang-hiya. Ibang-iba ang pakiramdam ko.”—Janice.
Marahil ang pinakamalaking pagbabago sa emosyon mo ay ang nagbagong pananaw sa di-kasekso.
“Hindi na ako naiinis sa lahat ng lalaki. May nagugustuhan na nga ako sa kanila, at hindi naman pala masamang ma-in love. Madalas nga tungkol sa ‘crush’ ang pinag-uusapan namin.”—Alexis.
Sa panahon ng puberty, may mga kabataan na nagkakagusto sa kasekso nila. Kung mangyari man iyan sa iyo, huwag mong isiping bakla o tomboy ka. Sa maraming kaso, lumilipas din ang ganiyang damdamin.
“Lagi ko kasing ikinukumpara ang sarili ko sa ibang batang lalaki, kaya nagkagusto tuloy ako sa kanila. Noong magbinata na ako, at saka ako nagkagusto sa mga babae. Ang pagkagusto ko sa mga lalaki ay bahagi na lang ngayon ng aking nakaraan.”—Alan.
Ang puwede mong gawin
Sikaping maging positibo. Ang totoo, ang puberty ay isang pisikal at emosyonal na pagbabagong kailangan mo. Maaari ka pa ngang mapatibay ng sinabi ng salmistang si David: “Sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.
Huwag ikumpara ang sarili, at huwag magpokus sa pananaw mo sa iyong sarili. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Magkaroon ng sapat na ehersisyo at pahinga. Makatutulong ang sapat na tulog para hindi ka maging masyadong iritable, stress, at depres.
Huwag paniwalaan ang lahat ng negatibong iniisip mo tungkol sa iyong sarili. Talaga bang lahat ng tao ay nakatingin sa iyo? Anuman ang sabihin ng iba tungkol sa iyong paglaki, huwag maging maramdamin. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao.”—Eclesiastes 7:21.
Pag-aralang kontrolin ang iyong seksuwal na mga damdamin para hindi ka madala ng mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid. . . . Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18.
Makipag-usap sa iyong magulang o sa isang nakatatandang pinagkakatiwalaan mo. Sa umpisa, baka nakaaasiwa, pero sulit ang tulong na matatanggap mo.—Kawikaan 17:17.
Tandaan: May mga hamon ang panahon ng puberty. Pero magandang pagkakataon din ito para lumaki ka at sumulong—hindi lang sa pisikal kundi pati sa mental, emosyonal, at espirituwal.—1 Samuel 2:26.