Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?

 Paglalang o ebolusyon?

Naniniwala ka bang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay? Kung oo, hindi ka nag-iisa; ganiyan din ang paniniwala ng maraming kabataan (at adulto). Pero may mga nagsasabing ang buhay at ang uniberso ay kusang nag-evolve nang walang kinalaman ang isang “Kataas-taasang Persona.”

Alam mo ba? Kadalasan, agad sinasabi ng magkabilang panig sa usaping ito kung ano ang pinaniniwalaan nila, pero hindi naman talaga nila alam kung bakit nila iyon pinaniniwalaan.

  • May mga taong naniniwala sa paglalang dahil iyon ang itinuro sa kanila sa simbahan.

  • Maraming tao ang naniniwala sa ebolusyon dahil iyon ang itinuro sa kanila sa paaralan.

Ang serye ng mga artikulong ito ay tutulong sa iyo na mapatibay at maipaliwanag ang iyong paniniwala tungkol sa paglalang. Pero kailangan mo munang tanungin ang iyong sarili:

 Bakit ako naniniwalang may Diyos?

Bakit mahalaga ang tanong na iyan? Dahil pinasisigla ka ng Bibliya na gamitin ang iyong pag-iisip, ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ibig sabihin, ang paniniwala mo sa Diyos ay hindi lang dahil sa

  • emosyon (Basta nararamdaman kong may makapangyarihang persona)

  • impluwensiya ng iba (Relihiyoso ang mga tao sa lugar namin)

  • panggigipit (Pinalaki ako ng mga magulang ko na maniwala sa Diyos—dahil kung hindi . . .)

Sa halip, dapat na kumbinsido ka mismo na may Diyos at dapat na mayroon kang matitibay na dahilan.

Kung gayon, ano ang nakakumbinsi sa iyo na may Diyos? Ang worksheet na “Bakit Ako Naniniwalang May Diyos?” ay magpapatibay sa iyong paniniwala. Baka makatulong din sa iyo ang sagot ng ibang kabataan sa tanong na iyan.

“Kapag pinakikinggan ko ang paliwanag ng titser namin kung paano gumagana ang ating katawan, wala akong kaduda-duda na talagang may Diyos. Bawat parte ng katawan ay may papel na ginagampanan, hanggang sa kaliit-liitang detalye, at kadalasan nang hindi natin namamalayan kung paano nagagampanan ang mga papel na iyon. Talagang kamangha-mangha ang katawan ng tao!”—Teresa.

“Kapag nakakakita ako ng mataas na building, barko, o kotse, tinatanong ko sa sarili ko, ‘Sino kaya ang gumawa nito?’ Kailangan ang matatalinong tao para makagawa ng, halimbawa, kotse, dahil ang dami-daming piyesa na kailangan para umandar ito. Kaya kung ang mga kotse ay nangangailangan ng disenyador, gayon din ang mga tao.”—Richard.

“Kapag inisip mong daan-daang taon ang kinailangan ng pinakamatatalinong tao para maunawaan ang kahit katiting lang na bahagi ng uniberso, napakalaking kamangmangan na isiping hindi kailangan ng talino para umiral ang uniberso!”—Karen.

“Habang pinag-aaralan ko ang siyensiya, lalo akong nahihirapang maniwala sa ebolusyon. Halimbawa, pinag-isipan ko ang napakahusay na pagkakaayos ng kalikasan at ang pagiging natatangi ng tao, pati na ang pangangailangan nating malaman kung sino tayo, kung saan tayo galing, at kung saan tayo patungo. Pinipilit itong ipaliwanag ng ebolusyon gamit ang mga terminong may kinalaman sa hayop, pero hindi nito maipaliwanag kung bakit natatangi ang tao. Para sa ’kin, mas mahirap maniwala sa ebolusyon kaysa sa isang Maylalang.”—Anthony.

 Kung paano ipaliliwanag ang aking paniniwala

Paano kung tinutukso ka ng mga kaklase mo dahil naniniwala ka sa isang bagay na hindi mo naman nakikita? Paano kung sabihin nilang “napatunayan” na ng siyensiya ang ebolusyon?

Una, manindigan sa iyong paniniwala. Huwag kang matakot o mahiya. (Roma 1:16) Tandaan:

  1. Hindi ka nag-iisa; marami pa rin ang naniniwala sa Diyos. Kasama riyan ang matatalino at edukadong tao. Halimbawa, may mga siyentipiko na naniniwalang may Diyos.

  2. Kapag sinasabi ng mga tao na hindi sila naniniwala sa Diyos, kung minsan ang ibig lang nilang sabihin ay hindi nila naiintindihan ang Diyos. Sa halip na patunayan ang paniniwala nila, itinatanong nila ang gaya ng, “Kung may Diyos, bakit niya pinapayagang magdusa ang mga tao?” Sa diwa, pinaiiral nila ang emosyon sa halip na maging makatuwiran.

  3. Ang mga tao ay may “espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Kasama rito ang pangangailangang maniwala sa Diyos. Kaya kung may nagsasabing walang Diyos, ang taong iyon—hindi ikaw—ang dapat magpaliwanag kung bakit niya nasabi iyon.—Roma 1:18-20.

  4. Talagang makatuwiran ang maniwala sa Diyos. Kaayon ito ng katotohanan na imposibleng basta na lang umiral ang buhay. Walang ebidensiyang sumusuporta sa ideya na ang buhay ay nanggaling sa mga bagay na walang buhay.

Kung gayon, ano ang puwede mong sabihin kapag may kumuwestiyon sa iyong paniniwala sa Diyos? Pansinin ang ilang posibilidad.

Kung may magsasabi: “Mga walang pinag-aralan lang ang naniniwala sa Diyos.”

Puwede mong isagot: “Talaga bang naniniwala ka d’yan? Ako, hindi. Ang totoo, sa isang surbey sa mahigit 1,600 propesor sa siyensiya mula sa iba’t ibang mahuhusay na unibersidad, sangkatlo ang hindi nagsabing ateista o agnostiko sila. a Sasabihin mo bang hindi matalino ang mga propesor na iyon dahil naniniwala sila sa Diyos?”

Kung may magsasabi: “Kung may Diyos, bakit napakaraming nagdurusa sa mundo?”

Puwede mong isagot: “Baka ang ibig mong sabihin ay hindi mo naiintindihan kung paano kumikilos ang Diyos—o sa kasong ito, kung bakit parang hindi siya kumikilos. Tama ba? [Hintaying sumagot.] May alam akong magandang sagot sa tanong na iyan. Pero para maunawaan ito, kailangan muna nating suriin ang ilang turo ng Bibliya. Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol dito?”

Tatalakayin sa susunod na artikulo ng seryeng ito kung bakit ang teoriya ng ebolusyon ay hindi nagbibigay ng kasiya-siyang paliwanag sa ating pag-iral.

a Pinagkunan: Social Science Research Council, “Religion and Spirituality Among University Scientists,” ni Elaine Howard Ecklund, Pebrero 5, 2007.