TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Pinayuhan Ako?
Suriin ang sarili
Kung minsan, kailangan nating lahat ng payo para mapahusay ang ating trabaho o ugali. Halimbawa, pag-isipan ang sumusunod na mga sitwasyon.
● Sinabi ng guro mo na parang minadali mo ang huling project na ginawa mo. “Kailangan mong maglaan ng mas maraming panahon sa pagre-research,” ang sabi niya.
Paano ka tutugon sa payo?
Bale-walain ito. (‘Ayaw lang talaga sa akin ng teacher ko.’)
Tanggapin ito. (‘Gagawin ko iyon sa susunod na project ko.’)
● Sinabi ng nanay mo na makalat ang kuwarto mo—kahit kakalinis mo lang.
Paano ka tutugon sa payo?
Bale-walain ito. (‘Kahit kailan, hindi naman siya nakontento sa linis ko.’)
Tanggapin ito. (‘Siguro nga, kaya ko pang gawing mas malinis ang kuwarto ko.’)
● Sinabi ng nakababatang kapatid mo na para kang boss.
Paano ka tutugon sa payo?
Bale-walain ito. (‘Siya nga itong parang boss.’)
Tanggapin ito. (‘Siguro, dapat maging mas mabait pa ako sa kaniya.’)
Tinatawag na balat-sibuyas ang ilang kabataan kasi madali silang magdamdam kapag napayuhan. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, malaki ang mawawala sa iyo! Bakit? Dahil ang pagiging handang tumanggap ng payo ay isang magandang katangian na makakatulong sa iyo ngayon at kapag naging adulto ka na.
Bakit kailangan ko ng payo?
Dahil hindi ka perpekto. Sinasabi ng Bibliya: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Kaya talagang kailangan nating lahat ng payo.
“Lagi kong tinatandaan na lahat tayo ay hindi perpekto at normal lang ang magkamali. Kaya kapag itinuwid ako, natututo ako at naiiwasan kong maulit ang pagkakamaling iyon.”—David.
Dahil puwede ka pang mag-improve. Sinasabi ng Bibliya: “Turuan mo ang marunong, at magiging mas marunong pa siya.” (Kawikaan 9:9) Makikinabang ka sa payo—kung tatanggapin mo ito.
“Dati, ayokong pinupuna ako kasi lumalabas na ang sama-sama ko. Pero ngayon, tinatanggap ko na ito. Humihingi pa nga ako ng payo para malaman ko kung paano ako mag-i-improve.”—Selena.
Siyempre, ayos lang sa iyo kung hiningi mo ang payo. Pero kung hindi mo ito hiningi, baka iba ang epekto nito sa iyo. “Nasaktan ako at pinanghinaan ng loob,” ang sabi ni Natalie, nang maalala niyang nakatanggap siya noon ng isang card na naglalaman ng payo. “Ginawa ko naman ang lahat, ’tapos, payo pa ang matatanggap ko!”
Naranasan mo na ba iyan? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?
Paano ko matatanggap ang payo?
Makinig.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang taong may kaalaman ay maingat sa pagsasalita, at ang may kaunawaan ay nananatiling kalmado.” (Kawikaan 17:27) Huwag sumabat kapag pinapayuhan ka. At huwag maging padalos-dalos sa pagsasalita, na pagsisisihan mo sa huli!
“Kapag pinupuna ako, parang gusto kong mangatuwiran. Pero dapat kong tanggapin ang pagtutuwid para mas magawa ko nang tama ang mga bagay-bagay.”—Sara.
Magpokus sa sinasabi, hindi sa nagsasabi.
Baka hanapan mo ng mali ang nagpapayo sa iyo. Pero mas makakabuti kung susundin mo ang payo ng Bibliya na “maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.” (Santiago 1:19) Kadalasan, totoo rin naman ang ilan sa ipinapayo sa iyo. Huwag iwasan ang mga kailangan mong marinig dahil lang sa ayaw mong marinig ang mga iyon.
“Dati, kapag itinutuwid ako ng mga magulang ko, naiinis ako at sinasabi ko, ‘Oo na, oo na.’ Pero kapag nakikinig ako sa kanila at sinusunod ang payo nila, mas maganda ang resulta.”—Edward.
Panatilihing balanse ang tingin sa sarili.
Hindi dahil pinayuhan ka, bigo ka na. Ibig sabihin lang, nagkakamali ka, gaya rin ng iba. Kahit ang nagpapayo sa iyo ay nangangailangan din ng payo. Sinasabi ng Bibliya: “Walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa.”—Eclesiastes 7:20.
“Pinayuhan ako ng kaibigan ko, pero tingin ko, hindi ko naman kailangan iyon. Pinasalamatan ko pa rin siya sa pagiging tapat niya, pero nasaktan ako. Nang bandang huli, naisip ko na tama pala ang ilang payo niya sa akin. ’Buti na lang, pinayuhan niya ako, kaya nakita ko ang mga bagay na puwede ko pang pagbutihin—na hindi ko sana mapapansin kung hindi niya sinabi.”—Sophia.
Gawing tunguhin ang mag-improve.
Sinasabi ng Bibliya na “ang marunong ay tumatanggap ng pagtutuwid.” (Kawikaan 15:5) Kapag tinanggap mo ang payo, makakalimutan mong nasaktan ka at magpopokus ka sa mga bagay na dapat mong pasulungin. Magplano at obserbahan ang pagsulong mo sa susunod na mga buwan.
“Magkaugnay ang pagtanggap ng payo at ang pagiging tapat. Kasi kung tapat ka sa sarili mo, aaminin mong nagkamali ka, hihingi ng tawad, at mag-i-improve.”—Emma.
Tandaan: Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga tao ay natututo sa isa’t isa, kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal.” (Kawikaan 27:17, Good News Translation) Ang payo ay puwedeng magpatalas sa iyo ngayon at kapag naging adulto ka na.