Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

2 Timoteo 1:7—“Pagkat Hindi Espiritu ng Kaduwagan ang Ibinigay sa Atin ng Dios”

2 Timoteo 1:7—“Pagkat Hindi Espiritu ng Kaduwagan ang Ibinigay sa Atin ng Dios”

 “Dahil hindi duwag na puso ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos kundi kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.”—2 Timoteo 1:7, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Pagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Dios, kundi espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig, at disiplina sa sarili.”—2 Timoteo 1:7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng 2 Timoteo 1:7

 Puwedeng tulungan ng Diyos ang tao na magkaroon ng lakas ng loob na gawin ang tama. Ayaw niyang magkaroon ang sinuman ng “duwag na puso”—isang maling pagkatakot na pumipigil sa isang tao na gawin ang mga bagay na kalugod-lugod sa Diyos.

 Sa tekstong ito, pansinin ang tatlong katangiang ibinigay ng Diyos na makakatulong sa isa na malabanan ang takot o kaduwagan.

 “Kapangyarihan.” Ang mga Kristiyano ay nakakapaglingkod sa Diyos sa kabila ng mahihirap na sitwasyon at mga pag-uusig. Hindi sila nagpapadala sa takot. (2 Corinto 11:23-27) Paano nila nagagawa ito? Sinabi ni apostol Pablo: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Kayang bigyan ng Diyos ang mga mananamba niya ng “lakas na higit sa karaniwan” para maharap ang anumang pagsubok.—2 Corinto 4:7.

 “Pag-ibig.” Dahil sa pag-ibig sa Diyos, nagagawa ng isang Kristiyano na makapanindigan sa kung ano ang tama. Dahil din sa pag-ibig sa kapuwa, inuuna ng isang Kristiyano ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya, kahit pa nga sa harap ng pag-uusig o panganib.—Juan 13:34; 15:13.

 “Matinong pag-iisip.” Sa Bibliya, ang matinong pag-iisip ay tumutukoy sa kakayahan ng isang Kristiyano na gumawa ng matatalinong desisyon na base sa Bibliya. Makatuwiran pa rin siya at nakakapag-isip nang maayos kahit nasa mahihirap na sitwasyon. Gumagawa siya ng mga desisyong kaayon ng kaisipan ng Diyos, kasi alam niyang mas mahalaga ang kaugnayan niya sa Diyos kaysa sa opinyon ng iba.

Konteksto ng 2 Timoteo 1:7

 Si apostol Pablo ang sumulat ng Ikalawang Timoteo. Isinulat niya ang liham na ito para sa mahal niyang kaibigan at kamanggagawang si Timoteo. Sa liham na ito, pinatibay ni Pablo ang nakababatang si Timoteo na patuloy na magsikap sa kaniyang ministeryo. (2 Timoteo 1:1, 2) Malamang na mahiyain si Timoteo, kaya baka napipigilan siya nitong gawin ang buong makakaya niya para sa kongregasyong Kristiyano. (1 Timoteo 4:12) Pero ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na mayroon siyang tinanggap na kaloob—isang mahalagang atas ng paglilingkod sa kongregasyon. Sinabi niya kay Timoteo na huwag magdalawang-isip na gamitin ang awtoridad niya sa pangangasiwa sa kongregasyon, sa pangangaral ng mabuting balita, at sa pagtitiis ng mga pagsubok para sa pananampalataya.—2 Timoteo 1:6-8.

 Kahit para kay Timoteo ang liham na ito, tinitiyak nito sa mga gustong maglingkod sa Diyos ngayon na ilalaan din ng Diyos ang tulong na kailangan nila para magtagumpay sa anumang pagsubok na mapaharap sa kanila.