PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Kawikaan 3:5, 6—“Huwag Kang Umasa sa Sarili Mong Unawa”
“Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.”—Kawikaan 3:5, 6, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga’y alalahanin, upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.”—Kawikaan 3:5, 6, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Kawikaan 3:5, 6
Dapat tayong umasa sa patnubay ng Diyos na Jehova a imbes na sa sarili lang natin kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon.
“Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso.” Ipinapakita natin na nagtitiwala tayo sa Diyos kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan niya. Dapat tayong lubos na magtiwala sa Diyos nang buong puso. Sa Bibliya, ang puso ay kadalasan nang tumutukoy sa pagkatao ng isang indibidwal—kasama na ang kaniyang emosyon, motibo, pag-iisip, at saloobin. Kaya ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi lang base sa nararamdaman natin. Pinipili nating magtiwala sa Diyos dahil kumbinsido tayong alam ng Maylalang natin kung ano ang pinakamabuti para sa atin.—Roma 12:1.
“Huwag kang umasa sa sarili mong unawa.” Kailangan nating magtiwala sa Diyos kasi hindi tayo perpekto at madalas na mali ang pangangatuwiran natin. Kung dedepende lang tayo sa sarili natin o sa nararamdaman natin kapag gumagawa ng desisyon, baka okey naman ang resulta sa umpisa, pero masama pala ang kalalabasan nito. (Kawikaan 14:12; Jeremias 17:9) Di-hamak na mas marunong ang Diyos kaysa sa atin. (Isaias 55:8, 9) Kung magpapagabay tayo sa kaniya, magiging masaya ang buhay natin.—Awit 1:1-3; Kawikaan 2:6-9; 16:20.
“Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas.” Dapat nating alamin ang pananaw ng Diyos sa bawat bahagi ng buhay natin at sa tuwing gagawa tayo ng importanteng desisyon. Magagawa natin iyan kung mananalangin tayo para sa patnubay niya at susundin natin ang kaniyang Salita, ang Bibliya.—Awit 25:4; 2 Timoteo 3:16, 17.
“Itutuwid niya ang mga daan mo.” Itinutuwid ng Diyos ang daan natin sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin kung paano mamuhay ayon sa pamantayan niya. (Kawikaan 11:5) Kaya naiiwasan natin ang ilang problema at nagiging mas masaya tayo.—Awit 19:7, 8; Isaias 48:17, 18.
Konteksto ng Kawikaan 3:5, 6
Ang aklat sa Bibliya na Mga Kawikaan ay naglalaman ng mahahalagang prinsipyo sa buhay para maging maligaya tayo at mapasaya natin ang Diyos. Ang pagkakasulat ng unang siyam na kabanata ay gaya ng pagpapayo ng isang ama sa kaniyang minamahal na anak. Ipinapakita ng kabanata 3 ang mabubuting resulta kapag nagpapagabay tayo sa karunungan ng Maylalang.—Kawikaan 3:13-26.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.